TIYAK NA MALOLOKA ang GMAAC at Icon Teen Star na si Bea Binene ‘pag nakarating sa kanya ang balitang may mga young stars sa Kapuso Network ang nai-insecure sa kanya ngayon dahil sa pagkakaroon nito ng sariling pagbibidahang soap, ang Pahiram ng Isang Ina, na magsisimula nang gumiling ang camera sa August.
Hindi raw makapaniwala ang mga insikyuradang young stars na magkakaroon si Bea ng sariling soap, lalo na’t lagi lang itong pansahog sa mga shows ng GMA-7. Pero mukhang nakitaan na ng GMA 7 ng potensyal si Bea na humakot ng viewers dahil na rin sa hukbo-hukbo nitong tagahanga sa ngayon at sa galing din nitong umarte.
Magiging leading man dito ni Bea si Jake Vargas, ang kanyang leading man sa mga shows na Ilumina, First Time, Captain Barbell, at sa top-rating teen show sa bansa at maging sa Canada na Tweenhearts.
Kung sa bagay, deserving naman si Bea na magkaroon ng sariling show, lalo na’t original talent naman siya ng GMA-7 at isang tunay na loyalist ng istasyon, mabait, magaling umarte at marunong makisama sa mga tauhan ng GMA-7, mapa-kapwa-artista o maliit man sa produksiyon. ‘Di ba?!
SALUDO RAW ANG mga Pinoy/Canadian na nakabase na sa Canada sa naging desisyon ni Andi Eigenmann na ituloy ang kanyang pagbubuntis sa murang edad.
Ayon nga kay Ate Liza Pardilla, bilib na bilib siya sa tapang ni Andi na mas pini-ling iwan pansamantala ang kanyang booming at blooming career alang-alang sa kanyang magiging baby.
Dagdag pa nito na kung sa ibang young star ‘yan nangyari, marahil ay hindi na itinuloy ang pagbubuntis at ipinalaglag na lang lalo pa’t sikat na sikat ito ngayon. Naniniwala raw ito na after makapanganak ni Andi, makababalik ito muli sa pag-aartista lalo na’t magaling itong umarte .
Hindi lang naman nag-iisa si Andi dahil may mangilan-ngilang young star din ang nabuntis sa murang edad at hindi nila piniling magpalaglag, bagkus ay mas pinili nilang i-keep ang baby. Isang good example nito ay si Valerie Concepcion na nang nakapanganak ay mas lalong bumango ang career ‘di lang sa pag-arte kung hindi sa pagiging mahusay na host.
HANDANG-HANDA NANG SUMABAK sa World Championships of the Performing Arts (WCOPA) sa Amerika ang mga Ultimate Talentado ng Talentadong Pinoy na sina Joshua Davis a.k.a Yoyo Tricker at Joseph the Artist mula July 15-23. Sila ay makikipagtagisan ng galing laban sa representatives ng halos 50 bansa sa Westin Bonaventure Hotel, Los Angeles, California sa ilalim ng Junior at Senior Variety Category, mula edad 16 pataas na magpapakita ng iba’t ibang performances at gagamit ng mga natatanging props.
Magpapakitang-gilas sa kani-kaniyang angking talento, si Joseph sa pagpinta gamit ang sand at si Joshua naman sa pagpapakita ng mga kakaibang exhibitions gamit ang yoyo. Ang mananalo sa tinaguriang “Ta-lent Olympics” ay tatanghaling “Grand Champion Performer of the World”.
John’s Point
by John Fontanilla