“KUNG SIGURADO silang may kasalanan ako, sige hinahamon ko silang idemanda ako, para malaman ng lahat kung sino ang nagsasabi ng totoo at hindi!” Ito ang hamon ni Atty. Ferdie Topacio nang makapanayam ng press people. Tsika pa nga ng magaling, mabait at very generous na Atty. na ayaw na raw sana niyang magsalita kaugnay sa isyung kinasasangkutan nito sa young star ng GMA-7 na si Bea Binene, dahil naging malapit naman daw silang magkaibigan. Pero masyadong nasisira na raw ang pinakaiingatang magandang imahe ng kanyang pangalan kaya naman kailangan na rin niyang magsalita at ipagtanggol ang kanyang sarili.
Ipinakita pa ni Atty. Topacio sa naimbitahan nitong press people ang ilan sa dokumento na siyang sasagot sa mga bintang sa kanya ng kampo ni Bea Binene, at handa raw niyang ilabas ang ilan pang dokumento na kanyang hawak para lumabas kung ano talaga ang katotohanan.
EXCITING ANG naging pagpili ng 2 pang bubuo sa finalist at makakasama ng 4 lists of honors na sina Chanel Morales, Sophie Albert, Akihiro Blanco at Vin Abrenica na una nang napili para mabuo ang final 6 na siyang magtatagisan ng galing sa lahat ng aspeto ng talent at hihiranging Best Actor at Best Actress na siyang mag-uuwi ng 20 Million Cah and Prizes.
Pinuno ng tensiyon ang loob ng Broadway Centrum at talaga namang hindi magkamayaw sa katitili sa kanya-kanyang sinusuportahang students ng AA ang mga manonood last Saturday night para sa Grand Face Off, kung saan nagpakita ng galing sa pag-awit, pagsayaw at pag-arte ang Danger 4 na binubuo nina Mark Neumann , Shaira Mae, Malak So Shidfat at Benjo Leoncio versus tropang Kick-Out na kinabibilangan naman nina Chris Leonardo, Jon Orlando, Brent Manzano, Marvelous Alejo, Nicoel Estrada, at Stephanie Rowe.
Kung saan after ng pagpapakita nila ng galing sa pag-arte, pagsayaw at pagkanta ay 2 students ang nangibabaw at siyang bumuo ng 6 List of Honors at ito ay sina Mark Neumann na kitang-kita namin ang pagkabigla nang tawagin ang kanyang pangalan at Shaira Mae na napaiyak nang tawagin din ang kanyang pangalan, dahil sa sobrang tuwa.
EXCITED ANG tinaguriang Prince of Ballad na si Gerald Santos sa kanyang pinakabagong Album, ang ‘Gerald Santos: The Prince of Ballad, An OPM Revival Collection’ na naglalaman ng 5 awitin at 5 minus one kasama ang naging Theme song ng pagbabalik teleserye ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor, ang Sa Ngalan ng Ina na ‘Ikaw Pa Rin Ang Mahal Ko’.
Ilan sa nilalaman ng album ni Gerald bukod sa nabanggit ay ang ‘Paminsan-Minsan’, ‘Hindi Magbabago’, ‘Ikaw Lang’, at ‘Maghintay Ka Lamang’. Ito raw ang kauna-unahang revival album ng award-winning singer at happy raw siya sa magagandang awitin na nilalaman ng kanyang album.
Tsika pa ni Gerald na bukod sa pag-awit ay nami-miss niya rin ang pag-arte na una niyang nasubukan sa bakuran ng GMA-7, ang naging una niyang home studio bago lumipat ng TV5. Kaya naman daw if ever na mabibigyan siya ng pagkakataong umarte muli ay bukas daw siya sa oportunidad na ito, sakaling may magkakainteres muli na bigyan siya ng pagkakataong makaarte mapa-telebisyon man o pelikula.
John’s Point
by John Fontanilla