Naghihinayang si Bea Binene at hindi siya makasasakay sa float dahil ito ang nakagawian ng mga artista na may MMFF entry.
Sa katunayan, maaga pa lang, nag-advance reservation na sila ng kanyang pamilya para mag-check-in sa Sofitel Hotel para mas madali sana sa kanya na makarating sa meeting place para sa mga sasali sa Parada ng mga Artista lalo pa’t matrapik ang Metro Manila.
“Sayang po, pero okey na rin naman. Hindi man kami napili para mapasama sa 8 entries ng MMFF, at least maaga pa lang, naipalabas na ang movie namin ni Bossing Vic (Sotto) na “Enteng Kabisote and The Abangers”. Bale pang-sampung Enteng Kabisote film na po ito,” kuwento niya sa amin.
Hindi ito ang unang pelikula niya for Bossing Vic. “Nakasama na rin po ako sa Enteng series ni Bossing noon. Hindi ko lang maalala kung anong year ‘yun. Kaya noong nalaman ko na kasama ako sa movie na ito, tinanggap ko agad, kasi excited ako sa naging experience ko sa parade at sa kabuunan ng paggawa ko ng pelikula,” sabi ni Bea.
One thing na alam niya, mas may chance ang movie nila na mas mapanood ng mas maraming mga tao sa showing date nito simula sa Wednesday, November 30.
“Mas maraming sinehan ang paglalabasan ng ‘Enteng’,” sabi ng dalaga.
Tuwing MMFF kasi, nagiging limitado ang mga sinehan na nilalabasan ng mga entries para mapagbigyan ang ilang pelikula na hindi naman o hirap makahanap ng playdate at makakuha ng moviehouses para paglabasan. Kadalasan kasi, nalulugi ang mga theater owners sa ibang pelikula na nilalangaw sa takilya, lalo pa’t ang kita ng mga may-ari ng mga sinehan ay percentage lang mula sa gross sales sa box-office.
Sa “Enteng Kabisote and The Abangers”, makasasama ng dalaga sina Paolo Ballesteros, Jose Manalo, Wally Bayola, Ken Chan, ang komedyanteng si Atak, at marami pang iba.
Ang pelikula ay nasa direksyon nina Marlon Rivera at Tony Y. Cruz.
Balita ko may sariling parade ang cast ng “Enteng Kabisote 10”.
Reyted K
By RK VillaCorta