KUNG ANG YOUNG actress na si Bea Binene ang masusunod, ayaw na nitong pag-usapan pa ang hiwalayang naganap between her mom and dad dahil nalulungkot siya.
Tsika nga ni Bea, darating din ang right time na magiging okey muli ang kanyang mom and dad dahil alam naman daw nito na mahal nila ang isa’t isa.
Pinabulaanan din ni Bea ang lumalabas na tsikang ang kanyang patuloy na pag-aartista na sinusuportahan ng kanyang ina ang dahilan daw ng ‘di pagkakaunawaan ng mga ito na nauwi sa hiwalayan.
Ayon kay Bea, totoo na tutol ang kanyang ama sa kanyang pag-aartista specially ‘pag may mga negatibong write-ups na lumalabas sa kanya at naapektuhan sila.
Sinasabihan nga raw siya ng daddy niya na tumigil na lang sa pag-aartista at mag-concentrate na lang sa pag-aaral. Pero hindi raw ito ang dahilan kung bakit not in good terms ang kanyang parents. Ayaw na raw nitong idetalye kung ano, dahil ayaw raw nitong isali ang kanilang buhay-pamilya sa showbiz.
Basta happy raw siya sa magandang itinatakbo ng kanyang career, kung saan top-rating ang lahat ng kanyang kinabibilangang show gaya ng Pahiram ng Isang Ina, Party Pilipinas at Tween Hearts na extended hanggang January 2012.
NAG-ENJOY NANG HUSTO sa kanyang Japan trip si Arnell Ignacio sa almost one month na show at bakasyon grande na rin mula sa kanyang dami ng trabaho bilang performer, businessman at sa kontrobersiyang kinaharap nito sa tatlong pulis kamakailan.
“Sobrang sarap ng one month ko sa Japan. Hindi ko nga napansin na one month na, sa sobrang saya ng show ko sa Japan. Dapat nga ilang linggo lang ako, pero napasarap talaga, kaya nag-extend ako. Hindi ko rin nga napansin na trabaho ‘yung pinunta ko sa Japan kasi, nag-enjoy talaga ako. Feeling ko, nakahinga ako. Kumbaga, na-recharge ako sa dami ng trabaho ko sa Pilipinas at sa kontrobersiyang napasukan ko kaugnay sa tatlong pulis.
“Kumbaga, pansamantalang nakalimutan ko kung ano man ang hindi magagandang nangyayari sa akin sa Manila. Kung ako nga ang masusunod, ayoko munang bumalik ng Pilipinas. Pero na-realize ko, marami akong gagawin sa Pilipinas, kaya kailangan kong umuwi na. Pero for sure, babalik ako ulit dahil sobrang ganda talaga ng Japan at hindi mo na nga mararamdaman o maiisip ‘yung nangyari sa kanila kamakailan kasi okey na lahat,” mahabang tsika ni Arnell.
At habang nasa Japan si Arnell, marami itong nakilala at naging mga bagong kaibigan tulad nina Abby Watanabe, owner ng Karaoke Kan with 106 branches sa Land of the Rising Sun; Luisa Kondo, owner ng Worldcom Japan/ concert producer.
Happy pa si Arnell dahil nakita niya roon si Suzuki Sadatsugu na na-link sa kanya at sinamahan nitong mag-audition sa Pinoy Big Brother, at ang pagkakapili sa kanya para maging celebrity endorser ng Speed Money Transfer.
BLIND ITEM: ALAM na namin ang reason kung bakit nawalang bigla sa sirkulasyon ang award-winning young actor na isa nang certified daddy ng isang baby girl sa isang young star mula sa isang big TV network. Ito rin daw pala ang reason kung bakit biglang naging malalamlam ang karir ng young actress dahil na rin sa buntis pala ito mula sa nasabing magaling na young actor.
At kahit nga lumalalabas-labas naman paminsan-minsan ang young actor sa ilang shows sa telebisyon, ‘di na katulad ng dati na sunud-sunod ang shows nito. Kung titingnan mo raw ang young actor, hindi mo aakalaing makakabuntis ito dahil nga naman mukhang batang-bata.
Kaya naman laking gulat namin nang may nagtimbreng isa na itong young dad. Ni hindi nga namalayan na nagkakamabutihan ang dalawang young stars na ito dahil magkaiba sila ng kinabibilangang network. Ipinakilala lang daw si young actress kay award-winning actor ng isa pa nilang common friends na artrista rin at doon nagsimula ang romansa ng dalawa na nagresulta ng bouncing baby girl.
John’s Point
by John Fontanilla