KATAPUSAN NA ng Pebrero, paparating naman ang buwan ng Marso. Ito ay nangangahulugan sa karamihan ng mga kabataan na malapit nang magbakasyon! At kapag malapit nang magbakasyon, marahil naiisip n’yo na ang naiisip ko, ‘eh ‘di ano pa, swimming at sunbathing sa mga naggagandahang dagat at swimming pools sa iba’t ibang resorts sa Pilipinas.
Bilang katatapos lang ng Pebrero, malamang sa malamang, hindi pa kayo nakapag-diyeta sa mga matatamis na tsokolate na natanggap ninyo noong kasagsagan ng Valentine’s at malamang sa malamang din, namomroblema na kayong makuha ang minimithing beach body ngayong bakasyon. Sayang nga naman ang mga nagagandahang beach kung balot na balot naman kayong rumarampa sa buha-buhanging lupa. Siyempre mas maganda kung nakapostura para in talaga!
Kaya nga lang, aking napagtanto na kadalasang nagiging problema ng mga kabataan ngayon, kasama na rin ako riyan ay ang pagsisikap na magpapayat pero mapapansin na mabagal ang resulta o kaya naman, wala talagang resulta. Kaya minabuti kong mag-research tungkol dito at aking napag-alaman, kung minsan pala, sa kagustuhan nating pumayat agad-agad, lahat ng kalokohang pampapayat ginagawa natin, ang pag-skip ng pagkain, o ang halos ‘di pagkain na talaga. O kaya naman, sinusubukan natin ang mga buwis buhay na ehersisyo. Lahat ng ito ay nagreresulta lamang sa crash diet. Ito ay uri ng diet na maaaring pumayat ka kaagad sa umpisa pero kalaunan, dodoble pa ang itataba mo lalo na’t ‘pag hindi mo napagpatuloy ang “crash diet routine” mo. Dagdag pa rito, ang ganitong uri ng diet ay nakasasama, p’wedeng maging maging mahina pa ang katawan mo.
Akin ding nalaman, sa kahit anong bagay naman sa mundo, mamarapatin naman talaga na “basics” muna ang unahin. Sa pagpapapayat, kung ano pa ‘yung mas dapat at mas simpleng pamamaraan, iyon pa ang nakakaligtaan o kaya iyon pa ang hindi natin alam .
Ayon sa realbuzz.com healthy active living, dapat huwag makasanayan ang pagtayo habang kumakain. Minsan kasi ganoon ang ginagawa natin sa pag-aakala na mabilis bababa at matutunaw agad ng digestive system ang mga pagkain. Sa katunayan pa nga, kapag kumakain ka nang nakatayo, ang tiyansa nito ay mas mapapakain ka pa ng 30% karagdagan mula sa normal na pagkain mo.
Huwag na huwag ding mag-skip ng pagkain. Ugaliing makumpleto ang almusal, tanghalian at hapunan. Lalung-lalo na ang almusal, huwag kakaligtaan bilang iyon ang pinakaimportante. Akala mo, mas mapapabilis ang pagpayat mo dahil hindi ka gaano kumakain? Naku, nagkakamali ka riyan! Ayon sa pagsusuri, mas mapapahirapan ka lang magpapayat kung hindi regular ang pagkain mo. Ani pa ng mga researcher, mas tumataba pa ang mga taong nag-i-skip ng pagkain kaysa sa regular na kumakain.
Makukulay ang kainin. Hindi ibig sabihin nito ay kumain ng Skittles o kaya M n M’s. Ang ibig sabihin nito ay kumain ng mga iba’t ibang kulay ng mga prutas at gulay dahil ito talaga ang pinakasimple at pinakamadaling gawin sa lahat. Kaya mga bagets, sundin na iyong mga magulang at mga lolo’t lola, ugaliing kumain ng mga gulay at prutas, dahil ito talaga ang magpapabuti sa ating lahat. Kalimutan na ang mga processed na pagkain tulad ng junk food, softdrinks na ating nakasanayan dahil maling-mali ito.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo