BER MONTH na! Ibig sabihin lang niyan, papalapit na tayo sa taglamig at tagtaba o sa madaling salita ang holiday season na ating tinatawag. Pasko at Bagong Taon na nga talaga ang pinakaaabangan na selebrasyon taun-taon. Punung-puno ng kasiyahan ang espesyal na okasyon na ito dahil ito ang panahon kung kailan nagiging kumpleto ang buong pamilya. Bakasyon pa ang mga bata sa eskuwela maging ang mga nakatatanda kaya tiyak nga naman ang kagiliwan sa mga okasyon na ito.
Dito rin lumalaki ang mga bulsa natin dahil sa mga pamaskong natatanggap. Pero may isa pang lumalaki, wala lang tayong pakialam kaya hindi pansin. Kasi busy tayo kakakain. Lumaki ang mga tiyan sa sarap at sangkatutak na pagkaing handa. Kaya sa pagsalubong mo ng Bagong Taon, ang iyong naging pangunahing problema ay paano papayat? Ngunit, subalit, datapwa’t, huwag mo nang hihintayin pa na mag-Bagong Taon para matauhan. Kasi ngayon pa lang ilagay sa isipan na malaki ang posibilidad na ikaw ay bibigat habang papalapit ang Pasko at Bagong taon kaya dapat pangunahan mo na ito ng healthy lifestyle na hindi kinakailangan ng diet.
Aking napag-alaman, kung minsan pala, sa kagustuhan nating pumayat agad-agad, lahat ng kalokohang pampapayat ginagawa natin, ang pag-skip ng pagkain, o ang halos ‘di pagkain na talaga. O kaya naman, sinusubukan natin ang mga buwis-buhay na ehersisyo. Lahat ng ito ay nagreresulta lamang sa crash diet. Ito ay uri ng diet na maaaring pumayat ka kaagad sa umpisa pero kalaunan, dodoble pa ang itataba mo lalo na’t kapag hindi mo naipagpatuloy ang “crash diet routine mo”. Dagdag pa rito, ang ganitong uri ng diet ay nakasasama, puwedeng maging maging mahina pa ang katawan mo.
Pero, pero, pero, huwag nang mag-alala. Lima lang naman pala ang alituntunin na sundin upang pumayat nang malusog.
1. Itigil ang ‘diet’ na ‘yan, simulan ang pagbibigay ng sustansya sa katawan
Kumain ng mga pagkain na may high quality nutrients. Gawin itong isang habit upang makasanayan dahil habang ito ay iyong ginagawa, nababawasan na rin ang iyong pag-crave sa mga matatabang pagkain, sa mga junk foods at softdrinks. At lagi mo nang hahanap-hanapin ang mga masusustansyang pagkain gaya ng prutas at gulay.
2. Linisin ang digestion process
Paano mo nga ba magagawa na linisin ang iyong digestion process? Simple lang. Kumain ng mga fermented, cultured foods at probiotics. Isang halimbawa nito ay yogurt. Ang pagkain ng ganito ay natutulungan ang iyong digestion process na bumilis at hindi maghangad ng mga fatty enzymes.
3. Iwasan ang stress at matulog ng sapat na oras
Ang stress at puyat ay naglalabas ng cortisol at inflammatory hormones. Ito ang mga hormones na may kasalanan kung bakit lagi tayo nagki-crave ng mga kung anu-anong pagkain lalo na ng mga matatamis at matataba. Kaya matapos makakuha ng walong oras na tulog. Kinabukasan ay mag-meditate sa umaga upang matanggal ang stress.
4. Tanggalin ang mga emotional issues sa buhay
Kinakailangan magkaroon ng positibong pananaw sa buhay. Nakatutulong ito upang matanggal ang mga emotional issues sa buhay na nagiging sanhi ng stress. Kailangang bigyan mo ng solusyon ang iyong mga kinakatakutan sa buhay, ang nakaraang mga isyu, ang mga trauma at ang mga kabiguan.
5. ‘Dun ka sa abot-kaya mong buhay
Bawasan ang mga gastusin at pinamimili na hindi naman talaga kailangan. Doon ka sa abot-kayang pamumuhay at hindi doon sa pilit na buhay na kinaiinggitan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo