NAGIGING HABIT NA nga ‘ata ngayon sa mundo ng showbiz ang ‘awayan’. Konting kibot-react. Buti sana kung ang mga inire-react sa isang isyu ha-limbawa eh, ‘yung para may mailabas na katotohanan o kaya eh, may maituwid na kamalian. Pero hindi, eh.
A fight is a brewing naman ngayon between Queen of All Media Kris Aquino and radio host cum columnist Jobert Sucaldito.
Nakarating sa amin ang balita na diumano, may text message na ipinadala si Kris kay Jobert. Na kumalat na sa apat na sulok ng showbiz. Hindi pa namin nakukuha ang side ni Jobert about it. Pero nang makarating sa amin ang balita, na may ‘away’ ngang magaganap sa dalawa, hinanap ko rin ang panig ni Kris sa nasabing issue.
Tinanong ko ito tungkol sa nasabing text message. At ang mensahe sa akin ni Kris ay:
“Ayokong sagutin. Inaaway niya ako about Sweet (John Lapus). Idinadamay si Boy (Abunda)… I’m not gonna fall into the trap of fighting with him, kasi wala akong atraso sa kanya. Boy and Sweet have ma-naged to peacefully co-exist in my life. Why? Because they both love my sons. End of issue… So if Jobert will threaten thru Reggee (Bonoan), na sisiraan niya ako, Tita Pilar, may bago pa ba? What’s important to me is to give love and respect to the people who truly love my sons. ‘Yun na ‘yun.”
Hindi pa malinaw sa amin ang pagsasabing nagpadala ng text message si Kris kay Jobert. Magkagayunman, siguradong ang pagpapadala ng nasabing text message eh, bilang sagot na rin sa kung anuman din ang nasabi ni Jobert kay Kris sa kanyang radio program.
Malamang na dugtong ito sa pagtanggap ni Kris ng award ni Sweet sa katatapos na 8th Golden Screen Awards ng ENPRESS (Entertainment Press Society), Inc. kung saan nga, si Kris, bilang kumare ni Sweet na nominado sa Best Performance by An Actor in A Leading Role (Musical or Comedy) for Here Comes the Bride got the plum.
Ang hindi ko maintindihan sa mga nangyayari sa ikot ng buhay ng mga tao in showbiz eh, ang laging paglalagay ng isyu sa mga bagay na hindi naman na dapat na lumaki pa.
We all know that there’s a rift existing bet-ween Sweet and Jobert, at nagkasuhan na nga sila.
Sa pananagumpay ni Sweet ngayon, kung saan naging bahagi si Kris, ang hindi rin maintindihan ng mga taong malalapit at involved sa kanila eh, kung bakit si Kris na tumanggap lang naman ng award for her friend eh, naging target pa ngayon, para sila na ni Jobert ang magkaroon ng isyu.
Ano ba ang puno’t dulo ng palitan ng nasabing text message?
IN FAIRNESS, NANG tanggapin ni Philip Salvador ang kanyang plaque of recognition para sa Lino Brocka Lifetime Achievement Award, after his speech at kinailangan niyang tumungo backstage, dumaan siya to where Kris was seated at nag-greet naman siya sa Queen of All Media. Kaya, walang katotohanan ang mga lumabas na hindi man lang nila binati ang isa’t isa.
Pero may insidente palang naganap sa labas ng Teatrino ilang minute matapos na dumating si Philip at nanatili muna ito sa labas kung nasaan si Malou Choa-Fagar at ibang miyembro ng press. Naroroon din ang ilang TV crews na humiling naman na ma-interview ang aktor.
Ang nakarating sa amin sa loob ng Teatrino, puntahan ko raw si Kuya Ipe at muntik nang manapak ito. Pero, hindi ko na agad ito nausisa at after na ng awards ko ito na-text.
Ayaw na nga niya itong ipasulat pero dahil marami ang nakasaksi, hindi naman maiiwasang mapag-usapan pa.
Basta ang sagot sa akin ni Kuya Ipe sa kanyang text message:
“(Patungkol sa reporter na kumapanayam sa kanya) Bastos. Walang isang salita. Okay na ‘yun, tapos na. Usapan walang segway. Kumawalang bigla.”
Sa punto ng isang reporter, ang sasabihin nito eh, trabaho ang kanyang ginagawa. Pero sa punto ng isang artista, na nakiusap na naman na huwag nang salingin ang mga bagay na iniiwasan naman nitong mapag-usapan, respeto na rin sana ang ibinabalik. At sana, naisip din na inanyayahan sa nasabing okasyon ang aktor para tumanggap ng isang prestihiyosong pagkilala at hindi naman para balahurain lang.
The Pillar
by Pilar Mateo