Beks Battalion handa na sa major concert

Leo Bukas

TEN YEARS nang magkakaibigan sina Chad Kinis, MC Calaquian at Lassy Marquez na kilala rin bilang Beks Battalion at hindi raw naiiwasang nag-aaway din sila at nagkakasamaan ng loob. Pero ayon sa  tatlo, kahit gaano pa katindi ang naging away nila ay hindi raw ito naging mitsa para mabuwag ang kanilang grupo.

Ayon kay Chad Kinis,  may batas silang sinusunod sa grupo na lagi nilang iniisip tuwing nag-aaway sila.

Beks Battalion

“Puwede kaming mag-away pero bawal maghiwalay. Nag-aaway kami, kung may pagtatalo kami, sasabihin lang namin o pahinga muna tayo,” diin ni Chad Kinis.

“Nagkagalit kami, binlock niya (MC) ako sa Facebook, sa Instagram, sa telepono, lahat, para hindi ko siya makontak.  Eh, siyempre, alam ko naman ang number niya, bumili ako ng ibang SIM card. Dun ko siya tinext, sabi ko, ‘Kuya, sorry na.’

“’Tapos ang pagkakamali niya, ako yung naiwan sa bahay ng Beks Battalion. Siya, sa condo. Eh, nandoon kaming lahat, so ang saya-saya namin. Siya mag-isa lang, so wala siyang nagawa kundi umuwi, pero sa pinto pa lang, nag-iyakan na kami.

“Laging ganun, parang once in a blue moon, meron talaga kaming tampuhan. Hindi maiiwasan yan kasi parang pamilya naman. Kami, kapag nag-usap kami, no holds barred. Hindi na kailangan ng sugar coating para malaman ang katotohanan,” kuwento pa ni Chad Kinis.

Nagbigay naman ng mensahe ng pasasalamat si Lassy sa tiwala at pagpapahalagang ibinibigay sa kanya nina MC at Chad.

Aniya, “Maraming salamat sa pagmamahal na hindi n’yo ipinagkait sa akin, sa tiwala na ibinigay n’yo sa akin, sa kakayanan ko, sa talento ko na kaya ko palang gawin ito, na hindi lang ako basta komendyante kundi bilang tao at bilang kaibigan. At hindi ko makakalimutan ito hanggang sa pagtanda ko. Maraming salamat.”

Sey naman ni MC, hindi raw talaga niya naiisip na mawawala ang kanilang grupo.

“Parang hindi ko maisip na mawawala yung Beks Battalion… Pero laging siyempre, pasasalamat, hindi mawawala yon. Parang yon lang ang puwede kong masabi sa Beks Battalion dahil ang Beks Battalion ang nagmulat sa mga stand-up comedians na mag-vlog din,” wika naman ni MC.

Hindi naman mapigilang maging emosyunal ni Chad kapag naiisip na kahit super solid ang kanilang samahan ay mabubuwag din ang Beks Battalion.

“Hindi ko maisip talaga na…. Puwede po kami mawala pero… Naiyak ako!  Kasi yung pinakamasayang parte ng buhay ko kasi nu’ng nakasama ko sila at nabuo ang Beks Battalion,” teary-eyed niyang pahayag.

“Kami po, puwedeng mawala sa mundong ito pero sinisigurado po namin, gusto namin we want our legacy bilang Beks Battalion will not be lost forever,” paniniguro ng dating Miss Q and A grand finalist.

Samantala, magkakaroon ng first major concert ang Beks Battalion simply titled Beks 2 Beks 2 Beks na gaganapin sa New Frontier Theater sa  August 26 at  kabilang sa kanilang special guest ay si Vice Ganda.

“Pinaghandaan po talaga namin ito. Kahit naman noong pandemic, meron kaming mga hindi nailalabas  (na jokes) even though nagba-vlog kami araw-araw. As time goes by kasi, may naiisip kami na bago tapos ibabangko lang namin and at the right moment, ilalabas namin,”  lahad ni  Chad.

Panauhin din sa Beks 2 Beks 2 Beks concert sina Zeinab Harake, Jelai Andres, BUDAKHEL, Katrina Velardez Buboy Villar, Ate Gay, Tonton at Divine Tetay. Mabibili na ang tickets sa Ticketnet.com.

Previous articleAngeline Quinto at non-showbiz boyfriend, engaged na nga ba?
Next articleChristine Bermas walang takot mag-frontal sa ‘Scorpio Nights 3’

No posts to display