ONE AND a half year na ang itinatagal ng relasyon nina Bela Padilla at Neil Arce. Nauuso ngayon sa showbiz couples ang wedding proposal kaya may mga nagtatanong kung hindi raw ba sila naman ang susunod?
“Hindi pa,” sabi ng aktres nang makausap naming kamakailan. “Twenty two pa lang ako. Siguro kapag twenty nine na ako, saka niya ako tanungin.”
Pati pala siya ay naiintriga kung sino ‘yong tinutukoy sa mga nakabanderang billboards sa buong Metro Manila na… “Olivia, will you marry me?”
Ang akala pala niya, totoong marriage proposal ito para sa girlfriend ng isang guy na gustong maging bongga at naiiba ang paraan pagpu-propose. Pero promo campaign o gimik ito para sa isang condo.
“Ay naku… grabe! Akala ko pa naman, totoong bonggang proposal siya. Ang galing no’ng promotional gimik na ‘yon, huh!”
Kung sakali bang magpu-propose si Neil, gugustuhin niyang maging gano’n na talaga kakaiba at bongga nga gaya no’ng bumabanderang mga billboards sa kalye o kaya ay nakasabit sa lumilipad na helicopter ‘yong mga katagang… will you marry me?
“Kahit ano, okey lang. Pero… hindi pa nga sa ngayon. Ang dami ko pang gustong gawin.”
How many years pa kaya bago sa tingin niya ay right time na for Neil na mag-propose sa kanya?
“’Pag thirty na ako. So that will be… mga eight years from now.”
Matagumpay na businessman si Neil. Hindi pa ba siya isinasali o hinihikayat sa mga negosyo nito?
“Hindi naman. Pero actually matagal ko nang sinasabi sa mommy ko. Kasi lahat ng money ko, mommy ko pa rin ang humahawak ngayon. So, nagtatanong na rin ako kung anong magandang business ang ii-start para sa akin. Sa ganitong age ko, kung ano ang appropriate sa akin. So, marami na rin kaming tinitingnan at pinag-aaralan ng mommy ko na puwedeng simulang business. Minsan humihingi ako ng advice kay Neil about putting up a business. Pero hindi naman kasi niya ako pinakikialaman o ‘yong pera na kinikita ko sa pag-aartista.”
Sa ngayon, kuntento naman daw sa takbo ng kanyang career si Bela. Masaya siya na hindi nawawalan ng pagkakaabalahan.
“Kaka-join ko lang sa Sunday All Stars. So, I’m part of Team Instagang. Sobrang bait lahat ng team mates ko. Kaya… okey naman. Alam ko na ngaragan ang rehearsals para sa mga production numbers every week. At okey lang naman sa akin ‘yon.”
Hindi napahinga sa trabaho si Bela sa loob ng nagdaang ilang buwan after ng huling soap na pinagbidahan niya sa GMA 7. Dalawang pelikula ang magkasunod niyang ginawa, ang 10,000 Hours at Sa Ngalan Ng Ama, Ina, At Mga Anak kung saan bida ang Uncle niyang si Robin Padilla.
“Tapos I left for Singapore. I did a TV show there. Umeere na roon ‘yong TV show na iyon. Pang-eight episode na ‘yong huling ipinalabas. Nagtu-tweet nga sa akin tungkol do’n ‘yong ibang Singaporeans. So, nakakatuwa. Pati ‘yong mga Pinoy na kababayan natin doon, nagtu-tweet sila kapag napapanood nila. Point Of Entry ‘yong title no’ng show. Para siyang C.S.I. Nag-audition ako. At sobrang saya ko no’ng nakuha ako for that. I play the role of Annalyn Ocampo, isang Filipina na… gusto niyang mag-aral sa Singapore. Tapos mami-meet niya ‘yong leading man na Singaporean dito sa Philippines. Tutulungan niya itong makauwi kasi parang na-set up siya. Maganda siya. Parang action-drama na lovestory.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan