GOOD NEWS na naman ang aming hatid sa araw na ito. Dahil katatapos lang ng Araw ng mga Nanay, sila ngayon ang ating pag-uusapan. Ating aalamin ang sagot ng PhilHealth sa panganganak mapa-miyembro man o hindi at kung ito ay ginawa sa alinmang pampribado o pampublikong ospital, birthing homes, lying-in o maternity clinics.
Isang polisiya ang aming ipinalabas na naglalayong linawin at mabigyan ng kaalaman ang mga kababaihan ukol sa paggamit ng benepisyo sa panganganak mula sa PhilHealth. Sa bisa ng PhilHealth Circular No. 22 (Social Health Insurance Coverage and Benefits for Women About to Give Birth), matitiyak natin ang kalusugan ng mga ina at ng mga sanggol, at maiseseguro na may tiyak na benepisyong magagamit sa oras ng pangangailangan.
Alinsunod din ito sa mga layunin ng Millenium Development Goals na tiyaking ligtas ang panganganak ng isang nanay, at nananatili itong malusog. Layunin din ng MDGs na pababain ang bilang ng mga batang namamatay. Maliban dito, ang polisiyang ito ay alinsunod din sa Implementing Rules and Regulations ng National Health Insurance Act ng 2013 kung saan nakasaad na lahat ng kababaihang manganganak na o malapit ng manganak ay dapat mabigyan ng benepisyong PhilHealth.
Responsibilidad ng miyembro na tiyakin na siya ay may sapat na kontribusyon upang maka-avail ng maternity care benefits mula sa PhilHealth. Ngunit kung sa hindi inaasahang pangyayari ang miyembro ay hindi nakapagbayad, walang sapat na bayad, o hindi pa nakarehistro, maaari siyang magregister sa pamamagitan ng Point of Care enrollment. Ang Medical Social Worker ng ospital ang magrerefer sa pasyente sa POC enrollment kung makita nila na ang pasyente ay: 1) hindi pa PhilHealth member; 2) PhilHealth member na nguni’t walang sapat na hulog; at 3) dependents ng kanilang magulang (covered o hindi). May sariling patakaran (PhilHealth Circular No. 32, s. 2013) ang pagpili ng mga pasyente na pasok sa POC enrollment at sa mga piling pampublikong ospital pa lamang ito maaaring mapakinabangan.
Paano naman kung hindi mag-qualify sa POC ang isang buntis? Huwag mag-alala dahil maari pa rin siyang payagan na magbayad ng para sa isang taong kontribusyon upang makagamit ng benepisyo mula sa PhilHealth alinsunod sa Section 39b ng IRR of NHIA of 2013. Tandaan, isang beses lamang ito maaaring gamitin at kailangan makabayad ng kontribusyon ang pasyente bago lumabas ng ospital.
Sa usapang benepisyo naman, mahalagang matandaan natin na ang halaga ng maternity benefits ay nakabatay sa pasilidad na pinuntahan at hindi sa serbisyong ibinigay sa buntis. Ibig sabihin, kailangang alamin kung ang pasilidad ay may Maternity Care Package o MCP o Normal Spontaneous Delivery (NSD) lamang.
Ang kaibahan ng dalawa ay ito: sa MCP, pasok dito ang ante-natal care, normal delivery at post-partum care na nagkakahalaga ng P8,000 sa mga lying-in clinics at birthing homes at P6,500.00 naman kung sa ospital manganganak. Sa NSD, kasama rito ang normal low risk vaginal deliveries at post-partum care na nagkakahalaga naman ng P6,500 sa birthing homes at lying-in clinics at P5,000 sa ospital. Sa mga nagpa-ante-natal care, hiwalay itong babayaran sa miyembro sa halagang P1,500.00 kung ito man ay ginawa sa mga birthing homes/lying-in clinics o ospital.
Pahabol pa: Sa mga bagong silang na sanggol naman, may serbisyong medikal din na para sa kanila – ito ay ang Newborn Care Package na nagkakahalaga ng Php 1,750. Ang breakdown ng bayad ay ang mga sumusunod: Ang essential newborn care ay nagkakahalaga ng Php500, professional fee na Php500, newborn screening test na Php550 at Php200 para sa newborn hearing screening test.
Paala muli, hindi lamang ang kontribusyon ang isasaalang-alang ng miyembro upang matiyak ang pagkamit ng mga benepisyo kundi dapat din tiyakin na ang pasilidad na pupuntahan at ang doktor na titingin at gagamot ay accredited ng PhilHealth.
Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksa natin ngayong Miyerkules, tumawag lamang sa aming Call Center sa (02) 441-7444 o magpadala ng email sa[email protected].
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas