Dear Atty. Acosta,
EMPLEYADO AKO sa isang kumpanya ng real estate. Malapit na akong magretiro. Ang alam ko po ay naghuhulog naman ang aming kumpanya sa SSS para sa aming mga benepisyo. Kung sakali po bang magretiro na ako, ano ang benepisyong matatanggap ko? Kung sakali namang sumakabilang-buhay ako, mayroon bang makukuha ang pamilya ko?
Umaasa ng inyong payo,
Antonia
Dear Antonia,
ANG BAWAT empleyado na miyembro ng Social Security System (SSS) ay kailangang magbayad ng kaukulang kontribusyon sa SSS. Ang mga employer naman ay mayroong responsibilidad na ipaalam sa nasabing tanggapan ang pangalan at impormasyon ng kanilang mga manggagawa at kailangan na maghulog ng kanilang kontribusyon pati ng kontribusyon ng kanilang mga manggagawa.
Batay sa iyong sulat, nagbabayad ang kumpanya na pinapasukan mo ng inyong mga kontribusyon. Kung gayon, mayroon kang matatanggap na benepisyo alinsunod sa ibinibigay ng ating batas. Ayon sa Social Security Act of 1997 o ang Republic Act No. 8282, ang miyembro na may edad na 60 taong gulang at hindi na nagtatrabaho, o kaya naman ay 65 taong gulang, ay mabibigyan ng buwanang pensyon, at maaari niyang makuha ang unang l18 pension nang isang bigayan o “lump sum”. Subalit, kailangan na siya ay nakapagbigay ng hindi bababa sa one hundred twenty (120) monthly contributions bago ang semester ng kanyang pagreretiro. (Section 12-B (a), id) Kung hindi ka nakapagbigay ng nabanggit na kontribusyon, maaari mong makuha ang lump sum kung anuman ang kabuuang kontribusyon na naibayad ng iyong employer.
Kung, sa hindi inaasahang pagkakataon, ikaw ay pumanaw, maaaring makatanggap ng benepisyo ang iyong mga kaanak. Ayon sa Section 12-B (d), id, “Upon the death of the retired member, his primary beneficiaries as of the date of his retirement shall be entitled to receive the monthly pension: Provided, that if he has no primary beneficiaries and he dies within sixty (60) months from the start of his monthly pension, his secondary beneficiaries shall be entitled to a lump sum benefit equivalent to the total monthly pensions corresponding to the balance of the five-year guaranteed period, excluding the dependents’ pension.” Samakatuwid, hindi lamang ikaw ang makikinabang sa iyong SSS membership kung hindi pati na rin ang iyong pamilya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta