Dear Atty. Acosta,
NAGHIWALAY NA po ang aking mga magulang dahil mayroon nang ibang kinakasama ang aking tatay. Kasal po ang aking mga magulang. Natatakot po ang aking nanay na palitan siya ng aking tatay bilang beneficiary sa SSS at ipalit ang kanyang kinakasama ngayon.
Elvira
Dear Elvira,
ANG PAGIGING miyembro ng Social Security System o SSS ay may layong isulong ang pakakapantay-pantay sa lipunan at magbigay ng proteksiyon sa mga miyembro nito at sa kani-kanilang beneficiaries laban sa mga pangyayaring magiging sanhi ng pagkawala ng kita ng mga miyembro o suliraning pinansiyal. Ilan sa mga pangyayaring ito ay ang pagkakaroon ng sakit, kawalan ng kakayahang pisikal upang ipagpatuloy ang trabaho, pagreretiro dahil sa edad, panganganak at pagkamatay ng isang miyembro.
Isinusulat ng isang miyembro sa kanyang aplikasyon ang mga pangalan ng mga taong makatatanggap ng mga kontribusyong kanyang naihulog pati na rin ang karampatang kontribusyon na i-binibigay ng kanyang employer. Ang mga taong ito ay tinatawag na beneficiary. Ayon sa Section 8(k) ng Republic Act No. 8282 o mas kilala sa tawag na Social Security Act of 1997, ang itinuturing na beneficiaries ay ang asawa ng miyembro o ang kanyang legitimate, legitimated, legally adopted o illegitimate na anak na nakadepende sa kanya. Ito ay ang tinatawag na primary beneficiary. Kung walang maituturing na primary beneficiary ang isang miyembro, ang kanyang mga magulang na nakadepende sa kanya ang kanyang magiging secondary beneficiary. Kung wala pa ring primary o secondary beneficiary ang isang miyembro, maaari na siyang magtalaga ng ibang tao bilang kanyang beneficiary. Ayon din sa nasabing batas, ang dependent ay isa sa mga sumusunod: 1) Legal na asawa na may karapatang tumanggap ng suporta mula sa miyembro; 2) Legitimate, legitimated, legally adopted o illegitimate na anak na walang asawa, walang trabaho at hindi pa lampas sa dalawampu’t isang taong gulang na anak na walang kakayahang suportahan ang sarili dahil sa permanenteng kapansanang pisikal o mental; at 3) Magulang na tumanggap ng suporta mula sa miyembro.
Samakatuwid, dahil kasal ang iyong mga magulang, mananatili siyang beneficiary ng iyong ama sa kanyang SSS kasama ng kanilang mga anak na maituturing na dependent ayon sa una ng nabanggit na probisyon ng batas. Ang babaeng kasalukuyang kinakasama ng iyong ama ay hindi maaaring pumalit sa inyong ina bilang isang beneficiary.
Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta