NITONG NAKARAANG mga linggo ay nagimbal ang ating mga kababayan dahil sa balitang nakapasok na raw ang Middle East Respiratory Syndrome – Corona Virus (MERS-Cov) sa ating bansa. Isa kasing 32 taong gulang na Pilipinong nars mula sa Saudi Arabia ang kinumpirma ng Department of Health na nagpositibo sa nasabing sakit nang ito ay dumating nitong Pebrero.
Kaugnay nito, itinala ng World Health Organization (WHO) na ang MERS-CoV ay isang “banta sa buong mundo” (THREAT TO THE ENTIRE WORLD).
Ano nga ba ang MERS CoV at gaano ito katindi?
Ang Middle East Respiratory Syndrome – Corona Virus o mas kilala sa tawag na MERS ay isang uri ng virus na nanggaling sa Gitnang Silangan (Middle East). Ito ay nakamamatay, at may pagkakahawig sa SARS ngunit mas nakamamatay ito dahil mabilis lumaganap at kumalat sa mga tao. Ito ay nadiskubre noong Abril 2012 na posibleng kumalat sa buong mundo at maging pandemya.
Nakalulungkot isipin na dumarami na ang kaso ng nasabing sakit. Ayon sa WHO, may 978 laboratory confirmed cases na ng MERS at 359 na ang nasawi dahil sa sakit na ito.
Karamihan sa mga tao na nahawaan ng MERS-CoV ay may mga sintomas ng mataas na lagnat, ubo na maaaring humantong sa pulmonya, mahirap at maigsing paghinga o shortness of breath, at pagtatae. Kung mahina ang resistensiya, maaaring magpakita ng iba pang kakaibang sintomas tulad ng sakit sa bato. Subalit, may mga ilang iniulat na nagkaroon ng banayad na respiratory illness lamang.
May magagawa ba tayo para sugpuin ang MERS-CoV? Ang sagot ay nagdudumilat na Oo! Ang pag-iwas. Makatutulong ang palagiang paghuhugas ng kamay na may sabon at tubig. Maari rin namang gumamit ng sanitizer o alcohol kung walang makuhang tubig. Kinakailangan ding takpan ang ilong at bibig ng tissue kapag umuubo o nababahin at pagtatapon ng tissue sa basurahan. Iwasan din ang pagkakalikot o pagkukusot ng mga mata, ilong, at bibig nang hindi naghuhugas ng kamay.
Subalit ang malakas na resistensiya pa rin ang pinakamabisang depensa laban sa MERS-CoV. Kumain ng balanse at ng masusustansiyang pagkain gaya ng mga gulay at prutas. Laging tatandaan na ang prevention is better than cure.
Wala pang gamot o bakuna laban sa MERS-CoV. Patuloy pang nag-iimbento at tumutuklas ang mga dalubhasa ng vaccine laban sa sakit na ito. Ang supportive na medikal na pag-aalaga ay makatutulong sa pagbawas ng mga sintomas.
Lahat ng confirmed MERS-CoV cases ay sagot ng PhilHealth. Ibig sabihin may mga confirmatory test nang isinagawa sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM). Lahat ng miyembro ng PhilHealth, health worker man o hindi ay maaaring maka-avail ng benepisyong ito sa akreditong institusyong pangkalusugan na may kapasidad at pasilidad na mamahala ng nasabing sakit tulad ng pagkakaroon ng negative isolation rooms at respirators.
Kung ang pasyente ay isang non-health worker, maaari siyang maka-avail ng subsidy na aabot sa P50,000.00, samantalang P100,000.00 naman para sa health workers.
Ang mga health worker ay ang mga empleyado o institutional worker ng isang health care institution na nasa bansa o ibang bansa na nangalaga o nagkaroon ng close contact sa pasyenteng may MERS-CoV at maaaring nakakuha ng impeksiyon habang nagtatrabaho.
Ang benepisyo ay binubuo ng room and board sa halagang P1,500/ bawa’t araw hanggang P10,000, bayad sa doktor mula P1,000 bawa’t araw hanggang sa maximum na P15,000, at P 30,000 para sa non-health at health workers.
Twenty Five Thousand Pesos (P25,000) naman ang maa-avail para sa mga gamot, laboratory tests, personal protective equipment, at ambulansya ng non-health workers, samantalang P60,000 naman para sa health workers na mag-a-avail ng parehong benefit items.
Ang mga hindi pa miyembro ng PhilHealth ay maaari rin namang maka-avail ng nasabing benepisyo. Kinakailangan lamang magsumite ng properly accomplished PhilHealth Membership Registration Form (PMRF) para sa pagsusuri. Ang mga mapipili ay itatala sa Point of Care Program ng PhilHealth.
Subali’t ito ang pinakamagandang balita para sa mga miyembro ng Sponsored at Indigent Program ng PhilHealth. Wala na kayong dagdag-bayad (No Balance Billing) kung magsasadya sa mga pagamutang pag-aari ng gobyerno at mga pribadong non-hospital facilities dahil sagot na ng PhilHealth ang mga bayarin sa ospital at doktor.
Ang benepisyong ito ay maa-avail ng lahat ng naospital magmula noong Enero 1, 2015.
Hindi kinakailangan ang qualifying contribution at 45 araw na benefit limit sa pag-a-avail ng nasabing benepisyo dahil sa itinuturing na umuusbong o bagong sakit (emerging disease) pa lamang ang MERS-CoV.
References:
www.npr.org/…/middle-east-coronavirus-called-threat-to-the-entire-worl../ masnewspaper.wordpress.com/2013/10/01/ms-kalusugan ang-lumalaganap/ www.who.int › … Disease Outbreak News (DONs)/ www.gmanetwork.com// www.cnn.com/www.untvweb.com/ www.philstar.com/www.remate.ph/2015/02/ www.akoaypilipino.eu/gabay/mga-dapat-malaman-tungkol-sa-mers-cov
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas