WALA NANG ibang paraan si Jackie Forster, kundi ang iparating ang kanyang mensahe sa mga anak niyang four years na niyang hindi nakikita, dahil ang paniniwala niya’y “ipinagkakait” sa kanya ni Benjie Paras.
Ang alam kasi namin, ayon na rin kay Benjie, “‘Yung mga bata ang nagdesisyon na ayaw nilang makipag-usap sa nanay nila.”
Kami ay magulang din, pero medyo hindi kami sang-ayon kung sinabi man ‘yon ni Benjie. Hindi porke may sariling pag-iisip na ang mga bata at sila’y nakapagdedesisyon na ay magse-second the motion ka na lang sa kanila bilang ama.
Si Jackie ay nagkasala noon at ina-acknowledge naman niya ‘yon, pero hindi pa rin makukuwestiyon ang katotohanang nanay pa rin ‘yan ng mga anak ni Benjie at may karapatan pa rin siyang makita ang mga ito, dahil siya ang ina ng mga ito.
If I were Benjie, ako na mismo ang kukumbinsi sa mga anak namin na makipagkita sa nanay nila. Kung gusto nilang magbuhos ng sama ng loob sa kanilang ina, diskarte nila ‘yon. At handa naman siguro si Jackie na harapin ang consequence kung sakaling “negative” ang maging resulta ng pagkikita nila.
At least, ang mga bata na ang naka-realize after talking to their mom na ayaw na nila itong makita o gusto nilang makasama ito at maka-bonding, making up for the lost time.
Huwag nating itanim sa puso ng mga bata na i-hate ang mommy nila. Tayong mga magulang ang malaking impluwensiya ng ating mga anak. ‘Pag sinang-ayunan natin ang kanilang desisyon porke sila’y malalaki na, aakalain nilang laging tama ang naging desisyon nila, dahil inaprubahan ng magulang nila.
Maaaring nagkamali noon at naging gaga si Jackie. At ‘yun ay kanyang pinagsisisihan. Pero huwag naman sanang ipagkait ang pagiging nanay niya sa mga bata.
May sarili na ring pamilya si Jackie. Hindi naman para kunin niya ang mga bata, dahil alam naman siguro ng ina na nasa mabuting kamay ang kanyang mga anak. Ang gusto lang niya’y makita, makausap at maka-bonding ang kanyang mga anak.
Oh My G!
by Ogie Diaz