KAPAG HINDI kayo nakakasiguro sa pinanggalingan ng isang bagay na ibinebenta sa inyo ng isang tao, lalo pa kung hindi ninyo kakilala ang taong ito, huwag bilhin para hindi mabiktima ng isang modus operandi na lumalaganap ngayon.
Nakakalungkot mang sabihin, pero ang modus operandi na tinutukoy ko ay mismong mga pulis ang nag-imbento. Ang grupong ito ay kilala rin sa bansag na “Benta-Kalawit Gang” (BKG). Bagamat matagal ko nang alam ito base sa mga sumbong na natatanggap ng aking programang WANTED SA RADYO mula sa mga biktima, ngayon, ang mismong nambibiktima naman ang nambisto sa WSR tungkol sa nasabing modus operandi.
Ang BKG ay kinabibilangan ng mga tiwaling pulis. Kasama ng grupong ito ay ang ilang mga alaga nilang tirador na kung tawagin ng mga pulis ay asset. Bibigyan ng mga pulis ang kanilang tirador ng gamit tulad halimbawa ng cellphone para ibenta sa isang taong alam nilang matatakutin at may kakayahang sumuka ng pera.
Ang cellphone ay maaaring pag-aari mismo ng mga pulis. Matapos maibenta ng tirador ang cellphone sa kanilang subject, magre-report agad ito sa kanyang mga handler. Pagkaraan ng wala pang isang oras, pupuntahan ng mga pulis ang subject kasama ang tirador na naka-posas.
Ang drama ng grupo ay nahuli nila ang tirador matapos itong ireklamo na nagnakaw ng cellphone at itinuturo nito ngayon sa mga pulis kung saan niya ibinenta ang kanyang ninakaw na cellphone.
Tatakutin ng mga pulis ang kanilang subject na kakasuhan dahil sa paglabag sa anti-fencing law at isasama sa presinto para maikulong. Naturalmente, maiihi sa takot ang subject lalo pa kung ito ay isang Bombay. Mapipilitan siyang sumuka ng pera at isoli ang sinasabing nakaw na cellphone kaysa makulong.
ANG MODUS operanding ito ay ibinunyag mismo ng isang aminadong tirador ng BKG na si Tyrone Kennedy Terbio. Si Terbio ay isa sa mga itinuturing na suspek sa pagpatay sa UP Los Baños University student na si Ray Peñaranda.
Si Terbio ay kusang sumuko sa akin kamakailan matapos na idawit ang kanyang pangalan ng isa sa mga suspek na nauna nang nahuli ng mga awtoridad at umamin na kasabwat sa krimen.
Inamin ni Terbio sa akin na isa siyang magnanakaw at asset ng tatlong pulis-Los Baños. Sinabi rin ni Terbio na mayroon pa siyang ilang mga kasamahang tirador na alaga rin ng nasabing mga pulis.
Bagama’t inamin niyang isa siyang tirador at may kasong pagnanakaw na nakabinbin sa korte, hindi niya inako ang pagiging kasabwat sa pagpaslang kay Peñaranda. Ayon kay Terbio, siya ay ginamit na fall guy ng mga pulis-Los Baños para maprotektahan ang tunay na mga salarin na alaga rin ng mga pulis.
Ito ay dapat paimbestigahan ng ating mga kinauukulan. Hindi ko sinasabing inosente si Terbio sa kasong pagpaslang kay Peñaranda, ngunit naniniwala akong siya ay talagang dating tirador ng mga pulis-Los Baños.
Gayon pa man, nangako si PNP Chief General Nicanor Bartolome sa akin na magsasagawa ang PNP ng imbestigasyon tungkol sa alegasyon ni Terbio matapos kong i-turn-over si Terbio sa kanya pagkaraang sumurender ito sa akin.
Shooting Range
Raffy Tulfo