PAGKAPASOK NA pagkapasok ng September, iisa lang agad ang ating nasabi, “Ber month na! Magpapasko na!” Tama! Matapos lumipas ng kinakatakutan na buwan o ang tinatawagan na Ghost month o buwan ng Agosto, atin namang buong sayang sinalubong ang buwan ng Setyembre dahil nga ibig sabihin lang nito simula na rin ng countdown sa Pasko.
Tama, hindi tayo nagkakamali riyan! ‘Yun nga lang, baka kasi nakalilimutan natin na marami pa ring kakabit na pangyayari ang pagsisimula ng ber month. Anu-ano nga ba ito?
Kung kayo ay nanonood ng balita, kabilaan na ang pag-anunsyo ng pagtataas ng presyo ng mga bilihin. At atin na ring asahan na lalo pa itong tataas habang palapit nang palapit sa araw ng Pasko.
Ganyan naman talaga, ang pinakasimpleng konsepto sa Economics, kapag mataas ang demand sa isang produkto, tataas din ang presyo nito. Kaya ano ba ang dapat gawin? Pinapayuhan ang mga mamimili na hangga’t hindi pa nagtataas o hindi pa masyado mataas ang ilang bilihing pang-Noche Buena, ngayon pa lang bilhin n’yo na ang mga produkto na hindi naman mapapanis kapag ini-stock lang gaya ng fruit cocktail, salad noodles at marami pang iba. O kaya naman puwede ring tignan ang expiration date ng mga produkto.
Para naman sa mga Ninong at Ninang na mamimili ng regalo para sa mga inaanak. Ngayon pa lang, paunti-unti ka nang mamili ng pangregalo sa kanila. Huwag ka nang sumabay sa dami ng tao na magsi-shopping dahil mauubos lang ang pasensiya mo sa siksikan na tao sa mall at haba ng pila sa cashier. At inuulit ko, kapag papalapit na ang Pasko, magtataas na ang mga bilihin.
Ngayong ber month na at papalapit na ang Pasko, hindi lang tataas ang presyo ng bilihin. Bakit? Dahil tataas din ang bilang ng mandurukot sa kalye at tataas din ang bilang ng mga nanakawan. Kaya naman ingatan ang mga kagamitan palagi. Sa mga bagets diyan, alam kong matatamaan kayo sa sasabihin ko. Hangga’t maaari naman, iwasan na ang paglalakad sa kalsada ng naka-earphones. Iwasan din ang mag-text o tumanggap ng tawag kapag nasa pampublikong lugar gaya ng sa jeep, bus o sa kalye dahil kapag ikaw ay sumuway sa sinasabi ko, bibibigyan mo ng pagkakataon ang mga mandurukot na ikaw ay nakawan o holdapin. Kung sa hindi naman inaasahang pagkakataon na nariyan na ang holdaper, ibigay na agad ang iyong bag o cellphone sa kanila. Tandaan, mahal man ang iyong mga gamit, mas mahal pa ring magpagamot sa ospital at mas mahalaga pa rin ang buhay sa lahat ng bagay. Mahirap na, baka saktan ka pa ng holdaper na ‘yan.
Ang sinasabi ko lang ngayong alam n’yo na ang mga kaganapan na posibleng mangyari sa inyo lalo na’t ngayon na simula na ng ber month. Nasa sa iyo na ang tamang pag-aksyon dito. Kung tataas man ang bilihin, matutong maging praktikal. Kung darami ang mandurukot sa kalye, matutong magdagdag-ingat ngayon pa lang.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo