Ayon sa Kapamilya actor na si Joshua Garcia, utang na loob niya sa batikang aktor na si Pen Medina ang acting skills na meron siya ngayon at nagagamit niya sa iba’t ibang proyekto sa TV at pelikula.
Kuwento pa ni Joshua, nag-acting workshop siya noon kay Pen pagkatapos niyang lumabas sa Pinoy Big Brother. Personal initiatives niya raw ito i-improve ang sarili.
“Nagsimula yung pagmamahal ko sa acting simula noong isang taon na ko sa showbiz. Dumaan kasi ako sa parang walang trabahong binibigay sa akin. Napapalitan ako ng ibang artists.
“Ang ginawa ko nun, nagpa-workshop ako kay Tito Pen Medina. Ako talaga nagbayad. Kahit wala pa kong pera nun masyado, nagbayad ako,” pag-alala ni Joshua.
Isang araw lang daw tumagal ang naging acting workshop niya kay Pen pero namangha siya sa itinuro at ipinakita nito sa kanya.
“Gumawa siya ng scenes sakin, nagbilang lang siya 1-10 tapos pagdating ng 10 umiiyak na siya bigla. Ang galing. Sobrang solid siya magturo,” kwento ni Joshua.
Malaki raw ang nagawa ng naturang workshop para makuha niya ang role sa Barcelona: A Love Untold nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na idinirek ni Olivia Lamasan noong 2016.
Hanggang napasama na siya sa teleseryeng The Greatest Love, The Good Son na sinundan pa ng The Killer Bride.
Ani Joshua, “Sa umpisa lang talaga mahirap, kasi syempre hindi ko talaga gusto ang acting before. Yon ‘yung example na minahal ko lang talaga siya kaya naging para sa ‘kin.”
Bida si Joshua sa Chito Rono movie na Ang Mga Kaibian ni Mama Susan na nahinto ang syuting dahil sa pandemya pero magre-resume any time na okey na ang lahat. Kasama rin siya sa upcoming teleserye ng ABS-CBN na Viral kasama ang Fangirl best actress na si Charlie Dizon.