KUWELA ANG paggi-guest ni Betong Sumaya sa Sunday Pinasaya nitong Linggo, September 13. Siya ang nakasama ni Marian Rivera sa comedy segment nito na Judge MD, kung saan ang naging eksena ay nag-aaway sila dahil sa eskinita.
Girl ang kanyang character. Pero hindi bilang si Antonieta na kinaaaliwan ng marami sa Bubble Gang. Para kay Betong, iba pa rin daw nga kapag character ni Antonieta ang ginagawa niya.
“Iba kasi kontrabida ako ng mga kontrabida sa mga telenovela,” aniya. “At siyempre bilang si Antonieta, binabasag ko ang mga cliché at ang mga nangyayari sa mga telenovela. Na parang ang ipinanggagalaiti niya ay pinaglololoko ang mga televiewers e, na gusto niyang bigyan ng linaw ‘yon.
“At napakagandang role! Napakasarap ng feeling na sinasampal ako ng mga kontrabida. Sino ba naman ang hindi matutuwa and I’m very proud to say na nasampal na ako ni Cherrie Gil, Jaclyn Jose, Celia Rodriguez, Chanda Romero, Odette Khan… ang dami!”
Speaking of pagsampal sa kanya ng mga kontrabida, sino ang pinakamalakas manampal sa mga nakaeksena na niya sa kanyang segment na Antonieta?
“Naku, ang pinakamalakas manampal ay si Gladys Reyes. Siya talaga ang pinakamatindi so far,” tawa ulit ni Betong.
Kanino naman siya kinabahan nang husto bago ang eksenang pagsampal sa kanya?
“Ay, si Celia Rodriguez. At saka si Cherrie Gil. Siyempre mga ano ‘yan, e… mga beterana na talaga. So, ‘yon talaga. Pero mababait sila. Sobrang supportive sila. At nakakatuwa naman na talagang alam mo ‘yon? Sinusuportahan ka nila sa eksena ninyo.”
Two years na rin niyang ginagawa ‘yong character ni Antonieta sa Bubble Gang. At ang hirap na ma-sustain ni Betong ito nang gano’n na katagal.
“Yes! At thankful ako na dahil sa character ko as Antonieta ay nakabibiyahe ako sa ibang bansa para sa GMA Pinoy TV. Nakapunta ako ng USA at saka Canada. Kaya… thank you!” tawa ulit niya.
Ano o sino ang naging peg niya para sa karakter ni Antonieta?
“Actually ang peg talaga niyan, si Mr. Asimo, e,” pagtukoy niya sa character naman na pinasikat din ni Michael V sa Bubble Gang. Pero kasi si Kuya Bitoy ro’n, mataray e. Ito naman si Antonieta, mataray na babae na kontrabida na in a way kailangang funny rin. So, ang naging peg ko ay ang pagiging mataray ni Kuya Bitoy as Mr. Asimo.”
Habang tumatagal ba ay napi-pressure siya kaugnay ng longevity na puwede niyang magawa sa kanyang character as Antonieta?
“Oo. Siyempre. Kasi kailangang ma-sustain mo siya. Pati ‘yong tipong… ‘yong excitement ng mga tao, ma-build up palagi. Kaya nga ‘yong mga nagiging guest ng Antonieta talagang mabibigat na kontrabida.”
Sa ngayon, ang pinakabagong kinaaaliwan ding tutukan ng marami ay ang karakter ni Wally Bayola bilang si Lola Nidora sa kalyeserye ng Eat… Bulaga!, kung saan bidang-bida at talagang sumasabay rin sa tambalang AlDub nina Alden Richard at Maine Mendoza.
Hindi ba threatened kay Lola Nidora si Antonieta?
“Ako, sobrang fan talaga ako ng Lola Nidora. Alam mo, dapat nga talaga ano, e… actually hindi threatened dapat, e. Parang… mas maganda nga ‘yon. Mas maraming mga characters na nabubuo sa TV. So, kumbaga, at least dumarami ‘yong mga aabangan ng mga televiewers. So, okey lang siya. Sana nga magkaroon ng time na magkasama kami sa eksena. Masaya ‘yon, ‘di ba?”
Pero nakikita ba niya ang character ni Wally bilang si Lola Nidora na kakumpitensiya ng character naman niya bilang si Antonieta?
“Siguro hindi competition. Kasi sa TV naman talaga, maraming charactesr na nabubuo, e. And they come and go. So, at least ‘yong Antonieta, two years na. Pero si Lola Nidora, iba e. Iba ang dating, so ang saya. Sana magkaroon kami ng chance na magkaharap. At magkalaban talaga,” tawa na naman ni Betong.
Kararating lang ni Betong galing New York kung saan nag-show siya para sa GMA Pinoy TV kasama ng iba pang Kapuso stars.
“Ang saya! Sold out na sold out ‘yong concert kaya sobrang happy kami. kasama ko sina Ai Ai Delas Alas, Dingdong Dantes, Christian Bautista, tapos si Julie Anne San Jose, at marami pa pong iba.”
Ramdam na rin daw roon ang init ng AlDub fever na maingay nga at laging pinag-uusapan araw-araw rito sa Pilipinas.
“Ay, oo… sobra! Hinahanap na sina Alden do’n at si Yaya Dub. Isipin mo, USA na ‘yon, ha! Pero ang lakas na rin ng following nila roon.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan