HINDI NATIN namamalayan at tatlong taon at pitong buwan na palang mag-on sina Biboy Ramirez (dating teen actor ng GMA 7’s Click, among other shows) at ang StarStruck alumna na si Vaness del Moral.
Pero mariing itinanggi ni Biboy na nagli-live in na sila ni Vaness. Pareho lang daw ng street ang kanilang lugar, three houses apart.
“Simula nu’ng na-Ondoy si Vaness sa Provident, tinulungan ko siyang maghanap ng apartment, eh sakto merong malapit sa amin so, ayun,” kuwento ni Biboy.
Noong wala pa raw internet connection sa lugar ni Vaness, nakikigamit ito sa bahay ni Biboy. “Ako naman, nakikikain ako sa kanila,” tawa ni Biboy. “Pero walang live-in.”
Nag-deny rin siyang lihim na silang kasal, at wala pang balak gawin ‘yun sa hinaharap.
“Wala pang plano, marami pa kaming balak gawin sa buhay tsaka siyempre, ‘pag kasal, kailangan pinaghahandaan ‘yan, hindi ‘yan ‘yung basta-basta naramdaman mo, gagawin mo na.
“Kailangan prepared ka, kailangan kaya mong i-sustain ‘yung relationship, financially.
“Nag-iipon pa eh, kulang pa. Mas maganda ‘yung ‘pag may pamilya ka na ‘yung hindi ko inaalala kung saan ko kukunin ang panggastos dito saan ko kukunin ‘yung ano, maganda ‘yung may nakatabi na.”
Samantala, happy si Biboy dahil finally ay palabas sa sa May 8, Miyerkules, ang latest indie film niyang In Nomine Matris (Sa Ngalan Ng Ina) kung saan kasama niya sina Liza Diño, opera singer Al Gatmaitan, etc.
Mula sa panulat at direksiyon ni Will Fredo at sa produksiyon ng Hubo Productions, ipinagmamalaki ni Biboy ang pelikula.
“Love triangle kami rito ni Liza at ang brother ko played by Al. Doon iikot ang kuwento, pero malaking factor ng movie ang flamenco na dance, at ito ang ikinaiba sa ibang indie films ngayon,” say ni Biboy.
Showing ang nasabing pelikula sa major brances ng SM, gayundin ang Robinsons Galeria at Robinsons Metro East.
SPEAKING OF In Nomine Matris (Sa Ngalan Ng Ina), aba, huwag isnabin, dahil nakakuha ito ng dalawang nominasyon mula sa prestihiyosong 36th Gawad Urian Awards, na gaganapin ngayong June 2013.
Nominated si Liza Diño as best actress, samantalang best supporting actress nominee naman si Ms. Clara Ramona na isang world-renowned Flamenco master, from Spain.
Nanalo na si Liza as new wave best actress nang mag-premiere ang pelikula sa MMFF noong December, sa New Wave o indie section, at very happy na siya roon.
Ngayong napansin ng mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino ang kanyang acting sa pelikulang ito, eh feeling raw niya ay nasa “alapaap” o langit siya – sa kagalakan.
“Sobrang shocked talaga ako. Blessing na ang manalo ako sa MMFF, I don’t want to expect sa ibang award-giving bodies, dahil ang daming magagaling na artista.
“Wala akong kaalam-alam kung sinu-sino ang nominees hanggang sa nakita ko ang name ko! Wow, this is Urian. To be nominated sa Urian is an honor in itself dahil well-respected ang mga Manunuri.”
Halos “matulala” raw si Liza nang malaman niyang ang mga co-nominees niya as best actress ay ang mga beterana na sa industriya like Nora Aunor and Gina Alajar.
Si Ms. Clara Romana ay Hongkong-based na, dumating lang ito sa Pilipinas early this week, and timing naman na sa pag-uwi niya ay lumabas ang Urian nominees.
“I’m shocked, I can’t hardly believe it,” say ni Ms. Clara na nominado as best supporting actress, competing with names like Mylene Dizon, Alessandra de Rossi, etc.
“I am very much impressed and humbled at the same time. I’m truly happy to be here in Manila to receive the news and not by Facebook!”
Mellow Thoughts
by Mell Navarro