ANG PUMATOK sa takilya na Pinoy independent film na Kita Kita ay merong Indonesian remake na may title na Cinta Itu Buta (Love is Blind). Bida dito ang Indonesian actors na sina Shandy Aulia at Dodit Mulyanto na bumisita pa ng ‘Pinas nitong Biyernes, Nov. 8 para sa isang presscon.
Bida naman noon sa Kita Kita sina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez.
Ang Cinta Itu Buta (Love is Blind) ay romance-comedy film na magpapaalala sa atin na ang pagmamahal ay dapat maramdaman at ‘di kailangang makita gamit ang mga mata.
Nang iwanan ni Jun-ho (Chae In-Woo), isang local Korean, si Diah para sa ibang babae, siya ay na-depress na naging sanhi nang kanyang pagkabulag.
Naging miserable siya nang sabay na mawala ang kanyang kasintahan at paningin, kung kaya nagkulong siya sa kanyang tirahan sa Busan. At dumating si Nik, kapwa niya Indonesian, na sinorpresa siya isang araw ng isang pagkain na nagpatuloy araw-araw hanggang sa sumuko na siyang hindi ito pansinin.
Sa kabila ng kawalan ng paningin, inaya ni Nik si Diah na ipasyal siya sa buong lungsod sa pangakong siya ang magsisilbing mga mata nito. Sa huli, ang magaan nilang pagkakaibigan ay nag-umpisang umusbong nang higit pa.
Mula sa Sapporo, Japan sa Kita Kita hanggang Busan, South Korea para sa Indonesian adaptation, ang pag-big ay muling matutuklasan gamit lamang ang pandama.
In person ay kahawig nga ni Empoy si Dodit. Dati siyang music teacher at nag-umpisa ang kanyang acting career noong sumali siya sa Stand-Up Comedy Indonesia (SUCI).
Sa kanyang mga naging pelikula, si Dodit ay palaging gumaganap ng supporting roles hanggang sa maging bida siya ngayon sa Cinta Itu Buta.
Ang Cinta Itu Buta ay palabas na ngayon sa mga sinehan.