ANG PAGIGING DUKHA ay isang malaking kasalanan dito sa Pilipinas. Kalaboso ang madalas na sentensiya rito.
Sa kabilang banda, ang mga abusadong masalapi rito sa Pilipinas ay madaling makabili ng impluwensiya. Kayang tapalan ng kanilang salapi ang mga kinauukulan para ipakulong ang mga taong walang kasalanan. Ang kaso ni Bernadeth Cabuboy, isang kasambahay, ay magandang ehemplo.
Noong Miyerkules, September 14, isang concerned citizen ang dumulog sa WANTED SA RADYO. Inilapit niya ang hinaing ni Bernadeth na kasalukuyang nakakulong dahil sa kasong Qualified Theft.
Ayon sa kanyang kuwento, ilang araw na ring nakakulong si Bernadeth. Bago raw makulong si Bernadeth, lumapit ito sa guwardiya ng condominium building kung saan nakatira ang kanyang dalawang amo na pawang mga abogado.
Humingi ng saklolo si Bernadeth sa nasabing guwardiya. Isinumbong na rin niya ang ginawang paghulog sa kanya sa hagdan ng kanyang among babae. Ipinakita ni Bernadeth sa guwardiya ang bukol sa kanyang ulo at mga pasa sa katawan. Nakitaan din si Bernadeth ng mga dugo sa kanyang mga binti. Si Bernadeth ay tatlong buwang nagdadalang-tao.
Pero bago pa man ang nasabing insidente, ayon kay Bernadeth, madalas siyang pinag-iinitan ng kanyang mga amo, lalo na ang amo niyang babae. Sa walang kadahilanan, nakakatikim daw siya ng mga malulutong na mura mula sa dalawa.
Habang ipinaplano ng guwardiya kung paano niya matutulungan ang pobreng kasambahay, biglang dumating ang mga amo ni Bernadeth na may kasamang mga pulis.
Ipinapaaresto ng kanyang mga amo sa mga pulis si Bernadeth dahil nagnakaw raw ito. Katunayan, nasa bag pa nga raw ni Bernadeth ang five thousand pesos na ninakaw umano nito. Nang bulatlatin ang bag ni Bernadeth, mayroon ngang nakitang pera roon.
Agad na idiniretso sa presinto si Bernadeth at ikinalaboso. Hindi na pinakinggan ng mga pulis ang salaysay ni Bernadeth. Hindi na rin nila binigyan ng importansiya ang bukol at mga pasa nito sa katawan maging ang mga dugo sa kanyang hita. Hindi na rin nila inimbestigahan ang security guard na pinagsumbungan ni Bernadeth maging ang iba pang mga residente sa nasabing condominium na madalas pagsumbungan ni Bernadeth tungkol sa ginagawang pagmamaltrato sa kanya ng kanyang mga amo.
Dahil kapag ginawa ito ng mga pulis, malalaman ni-lang si Bernadeth ay isang biktima ng pagmamaltrato at isinet-up ng kanyang mga amo para mapagtakpan ang kanilang malaking kasalanan.
Nakausap ng inyong SHOOTING RANGE si Bernadeth, halos maiyak ito habang sinasalaysay ang kanyang kaawa-awang kalagayan. Itinanong ko sa kanya kung mayroon bang taga-Public Attorneys Office na umalalay sa kanya noong siya ay iniharap sa inquest fiscal. Sinabi ni Bernadeth na hindi niya alam dahil wala naman daw siyang pinag-aralan.
Ang pagiging dukha ni Bernadeth at walang pinag-aralan ay pinagsamantalahan ng kanyang mga amo’t mga pulis.
Tinanong ko si Bernadeth kung may kinalaman ba ang kanyang pagdadalang-tao kaya siya pinag-iinitan ng kanyang among babae at ng kanyang among lalaki na rin. Malutong na oo ang kanyang sagot.
Sa kasalukuyan, tinutulungan ng WANTED si Bernadeth. Sa tulong ng WANTED, sasampahan ni Bernadeth ang kanyang mga amo ng kasong kriminal.
ANG WSR AY mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ang WANTED ay mapapanood tuwing Lunes 11:30 pm sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo