NGAYON PA LANG, excited na ang buong mundo sa pag-aabang sa mga mapapanood nila sa isasagawang pag-iisang-dibdib ng future King ng England na si Prince William sa kanyang girlfriend na si Catherine Middleton sa April 29, Biyernes.
Sari-sari na ring info tungkol sa mga magaganap sa bonggang kasalan kung saan kabilang sina Sir Elton John at mag-asawang Victoria at David Beckham sa may 1,900 na imbitado.
Bukod sa mga networks natin sa bansa na nagtalaga na ng mga correspondents na maghahatid ng mga kaganapan sa atin, halos lahat din ng networking sites ay magbabahagi ng kanilang mga balita para sa buong mundo.
Ngayon pa lang, lumabas na ang balitang walang ‘kiss’ o halikan na magaganap sa mga bagong kasal. Ang paliwanag ng Dean ng Westminster Abbey kung saan ikakasal ang dalawa, na si Rev. Dr. John Hall, “We don’t do that in the Church of England. That’s sort of a Hollywood thing. ‘You may now kiss the bride’. It doesn’t happen here.”
Na siya ring nangyari, nang ikasal ang mga magulang ni Prince William na sina Prince Charles at Lady Diana noong 1981. Sa balkonahe ng Buckingham Palace na nasaksihan ng mundo ang paglalapat ng kanilang mga labi.
Ang isang maghahatid ng live coverage sa nasabing event ay ang Lifestyle Network sa Skycable Channel 52. Kaya, maihahatid ito sa atin alas-tres ng hapon sa Pre-Wedding Festivities. At ang mismong kasal sa ganap na ika-anim ng gabi. At may Royal Wedding Recap naman sa ganap na ika-10:30 ng gabi. May replay ito sa April 30 sa ganap na 7:30 ng gabi at sa May 1 naman sa ganap na ika-12:30 ng tanghali. Ang Royal Wedding Highlights ay mapapanood sa May 6, at 10 p.m. at sa May 7 naman at 4:30 p.m.
Ang magbibigay naman daw ng most comprehensive coverage ay ang ABS-CBN. Ang maghahatid nito from the United Kingdom ay ang ABS-CBN Europe Bureau Chief na si Danny Buenafe with Rose Eclarinal anchored by Karen Davila.
Malamang, pa-bonggahan din ng presentasyon ang lahat ng networks set to cover the Wedding of A Lifetime. At sigurado, mapupudpod ang daliri ng marami sa pagpapalipat-lipat ng mga channels to get the ‘real’ front row seats!
MUKHANG MARAMI NA naman ang maiinggit at mang-iintriga ngayon at kinuha pala ng isang sikat na brand ng relo si Senator Francis ‘Chiz’ Escudero para maging endorser nila.
Ang isa nga raw na isinaalang-alang ng kumpanya para kunin ang isa sa masasabi ring good-looking na at matalino ring Senador ay ang pagpapahalaga raw nito sa oras. Dahil hate na hate raw ni Senator Chiz ang ma-late sa kahit na anong appointment niya.
Pero, kahit na abala raw ito sa mga batas, bills at iba pang mga bagay na dapat niyang bigyan ng kanyang atensyon at panahon, hindi nawawalan ng panahon para sa kanyang mga anak ang butihing Senador.
Ayan… may nadagdag na naman sa listahan ng mga nag-e-endorso ng relo. Naalala ko lang kasi ang isang kuwento sa akin, tungkol sa isang celebrity na atat na atat na magkaroon din ng sarili niyang endorsement. Kasi nga raw, ang tagal na nito sa industriya, sumikat naman, pero ni isa ngang endorsement eh, walang kumuha sa kanya. Kaya ang focus niya ngayon at pakiusap sa kanyang mga kaibigan eh, kung pwedeng hanapan naman siya ng endorsement, at choosy pa, ha? Relo ang gusto niyang i-modelo.
TINANONG KO SI Maria Aloha Sanciangco Carag, na nakilala bilang Ali Sotto at nang lumaon ay Mrs. Omar Bsaies na, kung may katotohanan ba ‘yung balitang tinurol niya ang isang taong never niyang ige-guest sa show niya at ito eh, walang iba kundi ang radio host na ngayon, na komedyante at singer ding si Arnell Ignacio?
Hindi naman ito pinasubalian ni Ali nang usisain ko siya about it. Pero sabi niya, matagal na raw namang nangyari ‘yun kaya, hinahayaan na lang niyang manatili in the past.
Hindi rin naman nito in-elaborate kung ano ang tunay na dahilan sa naging bad blood nga sa pagitan nila ni Arnell, na itinatatwa naman ni Arnell, dahil wala naman daw itong maalalang malalang naging away nila ni Ali o kahit pa pinagkagalitan o pinagtampuhan.
Ngayong dito muna mananatili sa ‘Pinas si Ali-balik na naman siya sa sinasabi niyang ‘calling’ niya. Ang paghu-host. Pagdating naman daw kasi sa kanyang career, very supportive naman ang kanyang mister, at naranasan na rin naman nito ang buhay-misis ng isang diplomat. Tumira na nga sa ibang bayan si Ali at madalas nitong i-share sa amin sa Facebook ang kanyang buhay, lalo na sa mga bansang pinapasyalan niya lang sa Europa.
The Pillar
by Pilar Mateo