AKO PO ‘yung lumiham sa inyo mga ilang buwan na ang nakalilipas tungkol sa asawa kong OFW na hindi na nagpapadala sa amin ng remittance. Kamakailan lamang ay nalaman ko ang tunay na dahilan. Sa iba n’ya na pala ibinibigay ang kanyang mga kinikita. Mayroon na raw siyang kalaguyo sa abroad at kasamahan n’ya raw ito sa trabaho. At mas masama, nabalitaan kong noong huling uwi niya sa ‘Pinas ay ikinasal sila rito. Ngunit kami ay kasal na bago pa siya nagpakasal sa iba. May nagpayo sa akin na kasuhan ko na agad siya ng bigamy para pagbalik niya sa Pilipinas ay maaresto agad siya. O kaya, pagkasampa ng demanda rito ay mapauwi agad sila rito. Tama po ba ang mga gagawin kong ito? — Gina ng Antipolo City
UNA, MAGTIPON ka muna ng mga ebidensiya para patunayan mo ang kaso ng bigamy laban sa kanila. Halimbawa, maaari kang magtungo sa NSO para makakuha ng rekord ng kanilang kasal kung mayroon man.
Pangalawa, ihanda mo ang iyong reklamo o demanda na isasampa mo laban sa kanila. Maaari kang kumonsulta ng abogado para rito.
Pangatlo, alamin mo kung kailan ang balik nila sa Pilipinas. Kailangan na narito sila o ang asawa mo sa ‘Pinas kapag isinampa mo ang demanda. Hindi tatakbo ang kaso habang siya ay nasa abroad dahil hindi siya makakalahok sa pagdinig.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo