NGAYONG TAON, sari-saring pagkilala ang ating natanggap mula sa labas ng bansa. Binigyang-pugay ang iba’t ibang larangan ang talento ng ating mga kababayan, at talaga namang “Proud to be Pinoy”. Ano-ano nga ba ang mga pinag-usapang international recognition sa mundo ng showbiz?
The wait is over
HINDI LANG kapwa Pilipino ang pinahanga ng Starstruck alumna at Kapamilya star na si Megan Young nang manalo sa Miss World 2013, napabilib din ng Pinay beauty ang buong mundo sa ika-63 taon ng naturang international beauty pageant na ginanap sa Bali, Indonesia. Si Megan din ang nanguna sa Top 10 semi-finalists, matapos na makuha ang pinakamataas na iskor sa preliminary competition. Malaki ang impact ng pagkakapanalo ni Young sa buong bansa dahil siya ang kauna-unahang Pinay na kinoronahang Miss World at tinalo ang 126 kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Matatandaan na naging mailap ang nasabing korona sa Pilipinas sa loob ng ilang taon, tanging ang pinakamataas na puwesto na nakuha ng Pilipinas ay ang First Princess o 1st runner-up na napanalunan noon nina Evangeline Pascual (1973) at Gwendoline Ruais (2011).
Best among the best
SA LAHAT ng parangal at pagkilala na tinanggap ng pelikulang Thy Womb ni Direk Brillante Mendoza sa iba’t ibang bansa, isa sa pinakamalaking bahagi nito ang natatanging pagganap ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor. Apat na international awards na ang napagwagian ni Ate Guy sa nasabing critically-acclaimed film ni Mendoza. Una rito ang kanyang special award na Bisato d’Oro for Best Actress na nagmula sa grupo ng Italian critics sa Venice International Film Fest. Sumunod na napanalunan ang Best Actress sa Asian Film Awards sa Hong Kong. Napanalunan din ng magaling na aktres ang Best Actress plum mula sa Asia-Pacific Screen Awards sa Brisbane, Australia. At ang pinakahuling international recognition ni Ate Guy ay nang mapanalunan niya ang Best Actress award sa 3rd Sakhalin Film Fest sa Russia.
Hollywood Dream
ISA SA pinakahinangaang locally-produced mainstream action film ay ang On The Job na pinagbidahan nina Piolo Pascual, Joel Torre at Gerald Anderson na idinirek naman ng mahusay na direktor na si Erik Matti. Pinag-usapan at pinuri ang naturang pelikula sa 66th Cannes International Film Festival sa France at 2013 Puchon International Fantastic Film Festival sa South Korea, kung saan pinarangalang Best Actor si Joel Torre. Hindi man pumatok sa takilya ang kauna-unahang action film nina Piolo at Gerald sa ating bansa, balitang magkakaroon naman ito ng Hollywood remake. Ayon sa Canadian film critic na si Chris Bumbray sa Joblo.com, ang three-time Emmy Award winning actor na si Bryan Cranston ng seryeng Breaking Bad ang napipintong gumanap sa role na Tatang na ginampanan ni Joel Torre sa OTJ.
Asia’s Favorite
ISA PA ring karangalan ang naiuwi ng komedyanteng si Eugene Domingo sa 26th Tokyo International Film Festival (TIFF), kung saan wagi ang aktres bilang Best Actress sa indie film na Barber’s Tale (Kwentong Kutsero). Ang nasabing parangal ang ikalawang panalo ni Uge sa international scene. Una rito ang tinanggap niyang People’s Choice Award for Best Actress para sa kanyang pagganap sa Ang Babae Sa Septic Tank (The Woman In The Septic Tank) sa 6th Asian Film Awards sa Hong Kong noong nakaraang taon.
Pinoy Pride
SA NAKARAANG Asean International Film Festival Awards (AIFFA), muling namayani ang mga Pinoy nang makamit ni Alessandra de Rossi ang Best Actress trophy para sa Cinemalaya film na Sta. Niña sa Malaysia. Bukod kay Alessandra, napanalunan din ng beteranang aktres na si Anita Linda ang Best Supporting Actress para rin sa naturang pelikula at itinanghal naman na Best Supporting Actor si Bugoy Cariño para sa Alagwa. Sa 100 kalahok na pelikula mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN, umabot sa 13 Pinoy indie films ang inilahok ng Pilipinas. Samantala, nag-iisa namang Pilipinong hurado sa nabanggit na festival ang actor-director na si Ricky Davao.
3rd placer is still a winner
NANANATILING MAILAP pa rin sa atin ang Miss Universe crown pero ipinaglaban at tinanghal pa ring 3rd runner-up si Ariella Arida sa nasabing pageant night sa Russia. Matatandaan na sa question and answer portion, tanging si Ariella lang ang walang interpreter at nakapagsalita ng wikang Ingles. Hindi man nakuha ni Arida ang korona, hinangaan naman sa ginawa niyang pagrampa sa mga pre-pageant activities ng Miss Universe ang kanyang ‘Ariba Walk’ na tungkol aniya sa projection at pag-glide ng kanyang balakang. Maaalala rin na naging kontrobersyal ang beauty queen matapos batikusin dahil sa pamamaraan nito ng pagsasalita ng Ingles. Sa kabila nito, wagi pa rin si Ariella matapos mag-standout sa swimsuit photoshoot. Isa rin siya sa napili para sa TV ad ng Mercedes- Benz, isa sa mga rumampa sa Russia Fashion Week, panalo sa glam shoot para sa temang ‘Ice Princess’ at nanguna sa ‘10 Hottest Contestants’ ng Australian edition ng isang online news.
Supranational Queen
KUNG 3RD runner-up lang ang inabot ni Ariella, nasungkit naman ni Binibining Pilipinas first runner-up Mutya Datul ang korona sa nakaraang Miss Supranational 2013 na ginanap sa Belarus. Bukod sa korona, naiuwi rin ni Mutya ang special award bilang Miss Personality at nakapasok pa siya sa Top 8 ng Miss Internet Award at pasok rin sa Top 10 ng Miss Talent. Magugunita na ito ang ikalawang beses na nagpadala ang bansa ng representative sa nasabing patimpalak.
Road to the Oscars
SA DINAMI-RAMI ng magaganda at de-kalidad na pelikulang Pinoy ngayong taon, ang Transit ni Hannah Espia ang napili ng Film Academy of the Philippines na maging official entry ng Pilipinas sa prestihiyosong 86th Academy Awards o Oscars para sa Foreign Language Film Category. Ang nasabing indie film ay isa sa tatlong pelikula na kasama sa pinagpiliang shortlist, kabilang ang On the Job ni Erik Matti at Thy Womb ni Brillante Mendoza. Ang Transit ay kinilala rin bilang Best Picture sa New Breed Category ng Cinemalaya Film Festival kung saan nanalo ring Best Actress si Irma Adlawan at Best Supporting Actress si Jasmine Curtis-Smith. Ang pelikula ay kuwento ng Pinoy single dad na si Moises, na nagtatrabaho bilang caregiver sa Tel Aviv. Kasama niya rito ang kanyang apat na taong gulang na si Joshua, na kinailangan niyang itago sa mga awtoridad ng Israel dahil sa ipinatutupad na batas na ipade-deport ang mga bata na anak ng mga dayuhang manggagawa.
World class artists
SA MUSIC scene, hindi rin nagpahuli ang ating mga Pinoy artist dahil nominado ang ilan nating mang-aawit sa World Music Awards. Kabilang sa mga nominado sina Daniel Padilla, Christian Bautista at Jed Madela para sa World’s Best Male Artist. Kasama nila sa nasabing nominasyon ang iba pang bigating male singers na sina Justin Bieber, Chris Brown, Psy, Elton John, David Guetta, at iba pa. Sa mga babae, nominado naman sina Sarah Geronimo at Regine Velasquez sa Best Female Artist kasama naman sina Adele, Britney Spears, Miley Cyrus, Katy Perry at Beyonce. Bukod naman sa Best Female Artist, nominado rin si Regine sa World Best Live Act of The Year at World Best Entertainer of The Year. Layon naman ng nasabing award-giving body na kilalanin ang best-selling recording artist mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Asian TV picks
USAPANG WORLD class, talagang umaani ng pagkilala ang mga Pinoy taartits sa buong Asya dahil nominado ang mga Kapuso star na sina Marian Rivera at Lorna Tolentino bilang Best Actress in a Leading Role sa 2013 Asian TV Awards. Nominado si Marian para sa remake ng Koreanovelang Temptation of Wife at si Lorna naman ay sa Pahiram ng Sandali. Sa kabuuan, siyam na nominasyon ang nakuha ng Pilipinas, kabilang din si Michael V para naman sa Best Comedy Performance by an Actor/Actress para sa Bubble Gang. Kinilala rin ang husay sa pagho-host ni Kris Aquino sa Kris TV na nominadong Best Entertainment Presenter/Host. Ang iba pang programang Pinoy na pasok sa Asian TV Awards ay ang The X Factor Philippines ng Kapamilya Network bilang Best Reality Show, Saksi at 24 Oras bilang Best Current Affairs Program, Reporter’s Notebook at Born Impact bilang Natural History or Wildlife Program ng Kapuso Network.
Ni MK Caguingin
Photos by Mark Atienza, Luz Candaba, Fernan Sucalit & Parazzi Wires