Nagsama-sama ang mga malalaking pangalan sa larangan ng showbiz at musika sa pagbibigay-saya sa 70,000 tagasuporta ni Vice President Leni Robredo noong Biyernes sa Paglaum Stadium sa Bacolod City.
Ang bigating lineup ay pinangunahan nina Sharon Cuneta, Rivermaya, Kyla at Kuh Ledesma.
Nandoon din sina Curtismith, Mayonnaise, Gracenote, Tippy Dos Santos, Gab Valenciano, Janina Vela, The Company, DJ Joey, at Kay Leni Tayo singers na sina Jeli Mateo, Justine Pena, at Nica del Rosario na naghandog ng mga awit.
Ang mga aktor na sina Edu Manzano, Joel Torre, Ronnie Lazaro, Nikki Valdez at Agot Isidro, at showbiz personality Ogie Diaz kasama ang kanyang YT channel co-hosts na sina Mama Loi and Dyosa Pockoh, ay umakyat sa entablado para ipahayag ang kanilang suporta para kay Vice President Leni at running mate Kiko Pangilinan, at sa lahat mga kasama sa kanilang slate.
Iniulat ni Negros Occidental provincial administrator Rayfrando Diaz na ang tao sa loob at paligid ng Paglaum Stadium ay nasa 70,000. Nilampasan nito ang dating marka na halos 50,000 katao sa General Trias, Cavite.
Sa pagbisita ni Robredo sa Iloilo at Tandag, nagsama-sama ang 40,000 at 20,000 tagasuporta, ayon sa pagkakasunod, habang libu-libo rin ang dumalo sa kanyang rally sa Mindoro at Romblon.
Mahigit 100,000 katao ang dumalo sa ilang pagtitipon ni Robredo sa Negros Occidental noong Biyernes, kabilang ang 20,000 tagasuporta sa Sagay City.
Dumalaw rin ang Bise Presidente sa San Carlos City, Kabankalan City, La Carlota City, Binalbagan at Hinigaran, kung saan umabot sa kabuuang 20,000 tagasuporta ang dumalo.
Nag-trending naman ang hashtag #BacolodIsPink bilang No. 1 sa Pilipinas at sa buong mundo sa Twitter habang ang #MASSKARApatDapatLeniKiko at #NegOccIsPink ay nasa ikatlo at ikaapat, ayon sa pagkakasunod.
Nangyari ang pinakamalaking pagtitipon sa Bacolod matapos manguna si Robredo sa Google Trends at Facebook Analytics.
Mula Pebrero 5 hanggang Marso 2, 2022, nanguna si Robredo sa Google Trends na may kabuuang score na 107 mula sa mga search na gamit ang keywords na “Leni” at Robredo” at mula sa positive engagements, na malayo ang agwat sa kanyang katunggali na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Tagumpay ang Google Trends sa pagdetermina sa resulta ng halalan sa United States, Greece, Spain, Germany at Brazil.
Nakakuha rin si Robredo ng limang puntos na kalamangan kay Marcos ngayong buwan pagdating sa Facebook engagement score, na sumusukat sa potensiyal na maging botante ng partikular na kandidato ang isang tao. Si Robredo ay mayroong 8 milyong engagements kumpara sa 7.5 milyon ng kanyang katunggali.
Tumatakbo si Robredo sa plataporma ng “Oplan Angat Agad”, na nakatuon sa trabaho, kalusugan at edukasyon.
Nais matiyak ni Robredo na hindi bababa sa isang miyembro ng pamilya ang tumatanggap ng buwanang suweldo habang ang mga nawalan ng trabaho ay bibigyan ng tatlong buwang pinansiyal na ayuda habang naghahanap ng hanapbuhay.
Pagdating sa kalusugan, magbibigay din si Robredo ng access sa libreng doktor sa bawat pamilya at gagawing abot-kaya ang pagpapagamot para sa lahat ng Pilipino. Nais din ni Robredo na bigyan ng kalidad na edukasyon ang mga estudyante upang maabot nila ang pangarap na trabaho sa hinaharap.