Biglang Sikat

MARAMING ARTISTA na ang sumulpot at nawala, ilan din ang nananatili pa ring matibay sa limelight, pero iba pa ring matatawag ang mga artistang ‘Biglang Sikat’. Halina’t kilalanin natin ang ilang pinaka-biglang sikat sa taong ito.

 

The Next Ultimate Heartthrob

 Daniel Padilla

NANGUNGUNA SA listahan ng biglang sikat sa mundo ng showbiz ay ang kapamilya young actor na si Daniel Padilla. Sa lahat nga ng nagsulputang kabataang taartits, itong si Daniel ang pinakasikat ngayon. Unang nasilayan ang binata sa mga youth-oriented show ng ABS-CBN na Gimik 2010 at Growing Up. Mas lalong umingay ang pangalan ng young actor nang makatambal ni Kathryn Bernardo sa primetime series na Princess And I. Nakasali rin sa mga pinilahang pelikula ng Star Cinema gaya ng 24/7 In Love at Sisterakas at ang box-office hit na Must Be Love na pinagtambalan nila ng ka-loveteam na si Kathryn. Pinasok din ni Daniel ang music scene sa kaliwa’t kanan niyang album na ilang beses umabot sa Platinum status. Miyembro rin ng bandang The Parking 5 ang Kapamilya star at isa sa mga napiling Original Pilipino Music Junior Ambassadors ng bansa. Bukod sa pelikula, TV shows at musika, kabi-kabila rin ang endorsement ni Daniel, mapa-telebisyon man o mapa-print. Sa ngayon, may bagong pelikula ang binata sa darating na MMFF 2013, ang horror movie na Pagpag, kung saan kasama pa rin si Kathryn.

Modern Day Prince Charming

 Richard Yap

PASOK DIN ang Tsinoy businessman na si Richard Yap o mas kilala bilang si Ser Chief ng hit-seryeng Be Careful With My Heart. Unang nakilala si Richard bilang commercial model ng isang sikat na food chain at mas lalong naging popular bilang si Papa Chen sa teleseryeng My Binondo Girl. Biglang sikat naman si Papa Chen nang sa kanya mapunta ang role as Ser Chief sa BCWMH katambal ang magaling na aktres na si Jodi Sta. Maria bilang si Maya. Gaya ni Daniel, pinasok din ni Richard ang music industry at siya ang umawit ng theme song ng Star Cinema movie nina Bea Alonzo at Dingdong Dantes na She’s The One. ‘Di ba, launching film na lang ang kulang at kumpleto na?

Most Talented Child WonderRyzza Mae Dizon

 BIGLANG SIKAT din ang aleng maliit na si Ryzza Mae Dizon. Nagsimula ang unti-unting pagningning ng bituin ni Ryzza nang manalo at tanghaling Little Miss Philippines 2012 ng Eat Bulaga, kung saan regular na rin siyang host ng nangungunang noontime show ng bansa. Naging parte rin si aleng maliit ng MMFF 2012 entry na Si Agimat, si Enteng at si Ako. Natunghayan rin ang kanyang life story sa Magpakailanman, kung saan nakakuha ito ng mataas na rating. Sikat na sikat din sa madlang pipol ang kanyang mga dance craze na Chacharap at Look up! Look up!. Sa kasalukuyan, bukod sa Eat Bulaga, bahagi rin si Aleng Maliit ng comedy show na Vampire ang Daddy Ko at ang kanyang sariling morning show na The Ryzza Mae Show. Kasali rin si Ryzza sa MMFF 2013 entry na My Little Bossings kasama si Bossing Vic Sotto at si Bimby Aquino Yap.

The Explosive Star

 Jodi Sta Maria

MATAGAL NANG artista si Jodi Sta. Maria ngunit ngayon lang niya nalasap ang biglang sikat status kaya pasok ang byuti niya sa listahan. Kung pagiging aktres ang labanan, matagal nang napatunayan ni Jodi ang sarili bilang isa sa pinakamahuhusay na artista. Sa ilang taon niya sa industriya, naipakita na niya ang kanyang husay sa pagganap sa iba’t ibang role, mapa-bida man o kontrabida kering-keri ng aktres. Ilang beses din siyang napasabak sa hosting sa Star Circle Teen Quest at Star Circle Kid Quest ng Dos. Bukod sa pagiging award-winning actress sa mga palabas na ang tema ay drama, mas sumikat si Jodi sa romance-comedy bilang si Maya dela Rosa sa Be Careful With My Heart, kung saan katambal si Richard Yap as Ser Chief. Mainit na tinutukan at patuloy na sinusubaybayan ang nasabing serye sa umaga na muntik nang magkaroon ng movie version na ipanlalaban sana sa taunang Metro Manila Film Festival, subalit sa sobrang hectic ng kanilang schedule, hindi na ito natuloy.

Future Kapuso Primetime King

 Tom Rodriguez

SIYEMPRE SA mga nag-aabang eh, hindi mawawala at swak na swak din ang pinakabagong Kapuso heartthrob na si Tom Rodriguez. Isa si Tom sa pinag-usapang housemate sa Pinoy Big Brother: Double Up hanggang sa mapatalsik sa bahay ni Kuya at gumawa ng yapak sa entertainment scene sa paglabas sa ibat ibang programa ng ABS-CBN. Napabilang din ang hunk actor sa Be Careful With My Heart, subalit tila kulang pa rin ang exposure ni Tom kaya napagdesisyunang lumipat sa kalabang network, ang GMA-7. Dito nga niya nakamtam ang biglang sikat status sa pamamagitan ng kontrobersyal na seryeng My Husband’s Lover kasama sina Dennis Trillo at Carla Abellana kung saan pumatok nang husto ang tamabalan nila ni Dennis bilang mga beki. Masasabing ang naturang bekiserye ang naging tulay ng aktor sa kanyang mabilis na pagsikat bilang isa sa mga inaabangang leading man ng Kapuso Network.

Text by MK Caguingin

Photos by Luz Candaba, Fernan Sucalit & Parazzi Wires

Previous articleTop 6 Most Controversial Love Affairs
Next articleHabang ginagawa ang MMFF movie; Rocco Nacino, muntik nang malunod

No posts to display