Aminado si Baron Geisler na talo siya kay Kiko Matos bagama’t nauwi sa draw ang kanilang bigwasan sa loob ng Universal Reality Combat Championship (URCC) cage nitong Sabado, June 25, sa Valkyrie sa Taguig City. Sa kanilang two-round openweight fight, pare-parehong 19-19 ang score ng tatlong judge.
“Somehow I’m gonna give it to Kiko Matos, both rounds. I think they gave me points just to stay in there,” sabi ng 34-anyos na si Baron Geisler sa isang interview matapos ang laban.
“If you watch the fight, you’d see that Matos really knows his game on the ground,” papuri pang sambit ni Baron sa mga reporter patungkol sa kalabang si Kiko, 28.
Sa kabila ng mga pahayag ni Baron, wala namang reklamo si Kiko sa naging desisyon. Huwag lang umano siyang matalo sa laban.
“Ang sakin po, hindi ko naman po talaga habol manalo, ayoko lang po talaga matalo. Okay lang po maging draw,” sabi ni Kiko.
Matatandaang nauwi sa mixed-martial arts fight ang away nila Baron at Kiko sa isang bar sa Timog Ave., Quezon City matapos tanggapin ng dalawa ang hamon ni URCC Founder Alvin Aguilar na tapusin ang kanilang alitan sa URCC cage sa pamamagitan ng isang exhibition fight.
Sa contract signing ng dalawa para sa nasabing laban, hinalikan ni Baron sa labi si Kiko, kung saan gumanti ng tadyak ang huli. Habang sa weigh-in ng dalawa, in-spray-an ni Kiko si Baron ng aniya’y sarili niyang ihi. Naging handa lang umano siya, at ayaw na niyang maunahan pa ulit siya ni Baron.
By Parazzi Boy