Bigyang-Pansin ang Chronic Obstructive Pulmonary Disease o COPD

KADALASAN NA nating naririnig ang sakit na Chronic Obstructive Pulmonary Disease o COPD sa mga balita kung saan ito ang karaniwang ikinamamatay ng ilang mga pasyente na may malubhang sakit dulot ng labis na pag-ubo at hirap sa paghinga. Ano ba ang taglay na karamdamang dulot ng COPD? Gaano ba kadelikado ang sakit na ito? Paano natin maiiwasan ang COPD?

Nais ko pong bigyan ng espasyo sa aking kolum ang pagtalakay sa sakit na ito dahil ginugunita natin ang Lung Month tuwing buwan ng Nobyembre. Dahil sa pagbabago ng panahon at ang iba pang impluwensiya sa kapaligiran tulad ng usok sa sigarilyo, sasakyan, at establisyimento, marami ang nagkakasakit lalo na sa sakit sa baga. Ang COPD ay isa sa mga pangunahing karamdaman na nakamamatay at nakababaldadong sakit sa buong mundo.

Ang COPD ay kilala rin bilang chronic obstructive lung disease (COLD), at chronic obstructive airway disease (COAD). Isa itong uri ng sakit na may pagbara sa baga na hindi gumagaling sa mahinang pagdaloy ng hangin. Karaniwan itong lumalala sa katagalan. Kasama sa mga pangunahing sintomas ay ang kapos sa paghinga, walang tigil na pag-ubo, at paglikha ng plema. Karamihan sa mga taong may hindi gumagaling na bronchitis ay mayroong COPD.

Paninigarilyo ang pangunahing sanhi ng COPD.  Ang paninigarilyo ng tabako ay ang pinakakaraniwang sanhi ng COPD, kasama ang iba pang bilang ng mga dahilan tulad ng polusyon sa hangin. Ang paglanghap ng usok o second hand smoke ay sanhi rin ng COPD. Kaya kahit hindi naninigarilyo ay maaari ring magka-COPD. Ang dumi sa kapaligiran tulad ng usok at alikabok sa trabaho, kemikal at polusyon ng hangin ay maaari ring magdulot ng COPD. Mayroon din namang nagkaka-COPD na hindi naninigarilyo o walang karanasan sa paglanghap ng masasamang usok. Sinasabing maaaring ito ay namamana rin.

Ang lala ng sintomas ng COPD ay depende sa dami ng sirang nagawa nito sa baga. Kung mas marami at mas matagal ang paninigarilyo, mas mabilis ang pagkasira ng baga. Ang sirang nagawa sa baga ay hindi maaaring maisaayos o maibalik sa dating anyo o gamit.  Walang gamot sa COPD. Ito ay pang habang-buhay. Ang pagtigil sa paninigarilyo ang tanging magpapabagal sa paglala nito.

Ang COPD ay isang ganap na suliraning pangkalusugan. Ito ang pang-apat sa mga nakamamatay at nakababaldadong sakit sa buong mundo. Sa Pilipinas, ang COPD  ang pang-pito sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ayon sa Department of Health. Sa buong mundo, naaapektuhan ng COPD ang 329 milyong tao o halos 5% ng populasyon. Noong 2012, ito ay humanay bilang pangatlong nangungunang sanhi ng pagkamatay, na pumatay sa mahigit sa 3 milyong katao. Inaasahang dumami ang bilang ng pagkamatay dahil sa mas mataas na bilang ng paninigarilyo at populasyon ng matatanda sa maraming bansa.

Maaaring maiwasan ang COPD sa pamamagitan ng pag-iwas sa paninigarilyo at pagpapahusay sa kalidad ng hangin na ating nalalanghap. Kasama sa mga paggamot ng COPD ang tuluyan nang paghinto sa paninigarilyo, tamang bakuna, rehabilitasyon, at ang madalas na nalalanghap ng mga bronchodilator at mga steroid. Maaaring magbenepisyo ang ilang mga tao mula sa pangmatagalang oxygen therapy o pag-transplant ng baga.

Siyempre, hindi nawawala ang alagang PhilHealth na handang tumugon sa pangangailangan ng mga may sakit na COPD (na may RVS code J44.9) kung benepisyong medikal ang ating pag-uusapan. Sa katunayan, umabot na sa P74,023,160 ang halaga ng benepisyong aming naibayad sa aming mga miyembro para lamang sa COPD mula Enero hanggang nito lamang Oktubre 22, 2015. Ito ay katumbas ng 6,048 na claims para sa COPD. Basta’t lagi po naming ipinaaalala ang kahalagahan ng pagiging aktibong miyembro ng PhilHealth, pagtiyak na updated ang inyong kontribusyon at ang inyong Member Data Record. Para naman sa mga hindi pa miyembro, hinihikayat ko po kayo na magpamiyembro na upang maging handa anumang oras na magkasakit at maospital.

Mahalin at ingatan ang ating kalusugan para sa mas mahaba at matiwasay na pamumuhay.

Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksa natin ngayon, tumawag sa aming Call Center sa (02) 441-7442, mag-email sa [email protected], o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth.

Sources:

www.akoaypilipino.eu/gabay/mga-dapat-malaman-tungkol-sa-copd

https://wikipedia.org/wiki/copd

www.healthline.com/health/copd

Data from Task Force Informatics on Utilization of COPD

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleRace to the Final Four
Next articleAPEC-tado ang lahat!

No posts to display