Biktima

IPINAGBUNYI ANG PAGSASABATAS ng Republic Act No. 9208, otherwise known as the “Anti-Trafficking in Persons Act”. Dahil sa batas, halos nasugpo ang ganitong krimen sa bansa. Nu’ng nakaraang Hunyo, ang Pilipinas ay inalis na sa human trafficking watchlist ng US State Department.  Malaking blackeye ang nawala sa imahe.

Subalit may mga pagkaka-taon na ang batas ay ginagawan ng paraan upang magamit sa masama. Masakit mang sabihin, para bang kasama na ito sa kultura ng Pilipino. Ang magandang batas ay inaabuso ng ‘di iilan upang kumita ng maruming salapi.

Napag-alaman nating nabiktima ng ganitong pangyayari si Cris Pangilinan, isang matagumpay na businessman sa pangingisda sa Navotas, Metro Manila. Kamakailan, sinampahan siya ng kasong Human Trafficking ng ilang mangingisda sa sulsol diumano ng ilang unscrupulous lawyers. Malinaw na ang mithiin lang ng complainants ay mag-extort ng salapi kay Pangilinan para iurong ang walang basehang kaso.

Napakasakit ang nangyari kay Pangilinan na 45 taon na sa ganitong hanap-buhay at wala pang natikman na isang kaso.  Ito ay sapagkat siya ay isang mabuting negosyante na parehas ang trato sa kanyang mga tauhan at hindi mapanikil sa uring manggagawa. Si Pangilinan ay isang huwarang family man at nag-aambag ng malaking tulong sa socio-civic projects, ‘di lamang sa Navotas, kundi sa iba pang komunidad.

Nag-ugat ang pangyayari nang ang isang kumpanya na stockholder si Pangilinan ay nakipag-sosyo sa isang tawagin na lang nating “Maestro” sa isang joint fishing venture sa Palawan. Ang “Maestro” na nag-recruit ng mga mangingisda sa joint venture ay nakaparte ng malaking salapi mula sa mga nahuli at naibentang isda. Ngunit ang salapi diumano ay ibinulsa lamang ng diablong “Maestro” at ‘di ibinigay ang naaayon sa kanyang mga kasamahang mangingisda.

Nagalit ang mga mangingisda at nagreklamo sa Department of Labor and Employment (DoLE). Ngunit ang problema, alam natin na d’yan sa DoLE ay may umaaligid na mga bogus na abogadong naghahanap ng mga nagrereklamo at nagbibigay raw ng libreng pagliling-kod ngunit paparte naman nang malaki sa makukuha ng manggagawa. Ayon sa ulat, sinulsulan itong mga mangingisda na idemanda si Pangilinan, ‘di lamang sa paglabag sa Labor Code, kundi pati na sa paglabag ng Anti-Human Trafficking Act.

Ano naman ang kinalaman ni Pangilinan sa human trafficking? Ang pena, mabigat ang parusa sa ilalim ng nasabing batas.  Kung anu-anong exaggerated charges ang isinulsol sa mangingisda para kotongan si Pangilinan ng milyung-milyon para umareglo.

‘Wag sanang gamitin ang matinong batas para sa kabuktutan, kundi masisira ang mga adhikain ng uring manggagawa at maralita. Dapat ang ating pakikibaka ay marangal at matuwid.

SAMUT-SAMOT

NAKAHIHILO KUNDI NAKALILITO ang mga ulat sa health condition ni dating Pangulong GMA. Kapansin-pansin din na ang mga abogado niya at kaalyado sa Kongreso ang nagbibigay ng medical briefing. Nu’ng nakaraang araw, iniulat ni Rep. Danilo Suarez na kailangang i-biopsy ang dating pangulo. Pahayag naman ng tagapagsalita na si Elena Bautista-Horn na wala nang karamdaman si GMA. Bakit hindi once and for all, ang St. Luke’s medical team ang mag-issue ng final medical bulletin?

PRODUCTION NOT LONG vacation. Sa pananaw ng marami, ito ang kailangan sa pag-unlad. Tayo lang ‘ata ang mahirap na bansa na labis-labis ang bakasyon. Ang huling ehemplo ay apat na araw na bakasyon sa nakaraang Undas. Kawawa naman mga daily wage earners. Umaangal din ang mga negosyante. Pag-aralan.

Tila palpak si DOTC Sec. Mar Roxas. Malaki ang expectation sa kanya. Ngunit wala pa siyang naipakitang dramatic reforms sa ahensya. As a planner, magaling si Roxas. Ngunit question mark ang kapabilidad niya bilang executor.  Maraming nababahala.

SA PANGALAWANG TAON ni P-Noy, dapat magbalasa ng gabinete. May mga clamor ang pagsibak sa Communications Group ni Ricky Carandang at Sonny Coloma. ‘Yung masyadong bungangerang Deputy Spokesperson dapat nang sipain ora mismo. Bawat bukas ng bunganga, napapahamak ang Pangulo. At ‘yang si Coloma, anong pinapapel niya? Hanggang ngayon, wala pa ring reforms sa agencies na hinahawakan niya. Mga kapit-tuko.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleEpal bill napapanahon at bukol ni Gen. Gil Meneses
Next articleProseso sa pagpapawalang-bisa ng marriage contract

No posts to display