DEAR CHIEF ACOSTA:
MAY ILALAPIT AKO sa inyo, mayroon po kasi akong problema tungkol sa aking kaso. Madam, ako po ay nabaril noong January 21, 2004. Nagkaroon po ako ng problema nang mabaril ako kasi po ay hindi ako agad nakapag-complain, kahit po ang mga magulang ko. Tapos po, naunahan po akong mag-complain nu’ng nakabaril sa akin. Naging 50/50 po ako at heto po ang masakit Madam, ako na nga ang nabaril at muntikan nang mamatay, ako pa ang makukulong. Noong binasahan na po kami ng sentensya ay natalo kami sa kaso. Madam, kapag iyong nagreklamo laban sa akin ay hindi na dumadalo sa hearing namin ng ilang beses, ano po ba iyon? Madam, sana po ay matulungan ninyo po ako sa kaso kong ito. Noong binasahan po kami ay makukulong po sana kami pero nag-apela po kami sa Court of Appeals. Ayoko pong makulong sa krimeng hindi ko ginawa at hindi ko po ito makakaya. Bakit po ba ganoon ang hustisya? Alam ko pong mayroon pong tutulong sa amin. – Jono
DEAR JONO,
KUNG ANG PAGSASAMPA ng kaso sa iyo ay walang batayan, ang nangyari sa iyo ay talaga namang napakasaklap at nakapanlulumo. Ikaw na ang naagrabyado, ikaw pa ang nakasuhan. Kailangan mo ng abogado na magtatanggol sa iyo. Kung wala kang kakayahan na magbayad ng sariling abogado, maari kang pumunta sa Public Atorney’s Office (PAO) para sa libreng abogado.
Sang-ayon sa iyong salaysay, ang kasong kriminal na isinampa laban sa iyo ay umabot na sa “Court of Appeals”. Kapag ikaw ay mapawalang-sala, dito na natatapos ang iyong kaso at hindi na ito maaari pang isampang muli. Kung mayroon kang ebidensya na magpapakitang ang kasong isinampa sa iyo ay gawa-gawa lamang, maaari kang magsampa ng kasong sibil o “malicious prosecution” laban sa taong nagdemanda sa iyo, upang pagbayaran niya ang anumang danyos na naidulot nito sa iyo. Maaari ka ring magsampa ng kasong kriminal alinsunod sa “Article 363 ng “Revised Penal Code” o ang kasong “incriminating innocent person” laban sa nasabing tao.
Kaugnay nito, mayroong batas na nagbibigay kompensasyon sa mga taong biktima ng ma-ling hustisya at nakulong nang matagal ngunit napawalang-sala sa bandang huli. Ang batas na ito ay ang R.A. 7309 na lumilikha sa “Board of Claims” ng “Department of Justice”. Sa oras na ikaw ay mapawalang-sala ng Court of Appeals, maaari kang maghain ng aplikasyon para mapagkalooban ng pinansyal na tulong galing sa nasabing tanggapan.
Patungkol sa iyong katanungan, ang madalas na hindi pagdalo ng nagreklamo sa kasong kriminal ay walang epekto sa kaso, kung siya ay tapos nang tumestigo laban sa nasasakdal o kaya naman ay siya ay hindi ikinunsi-derang testigo. Su-balit, kung walang ibang ebidensya kundi ang kanyang testimonya at siya ay hindi sumisipot para maglahad ng salaysay sa korte, maaring ipa-“dismiss” ng abogado ng nasasakdal ang kaso sa kawalan ng ebidensya.
Kaugnay naman ng pagkakabaril sa iyo, maaari mo pa ring sampahan ng frustrated homicide/murder ang taong may kagagawan nito sa iyo, kahit na 5 taon na ang nakalilipas. Maghain ka lamang ng sinumpaang salaysay sa tanggapan ng piskalya ng lugar kung saan naganap ang pamamaril sa iyo. Ang nasabing tanggapan ay magsasagawa ng “Preliminary Investigation” tungkol sa iyong reklamo. Kaila-ngang may sapat na ebidensya para ito ay maiakyat sa korte.
Sa ngayon, hindi pa huli ang panahon upang maghain ka ng kasong kriminal laban sa bumaril sa iyo. Sikapin mong manaig ang hustisya at maparusahan ang talagang nagkasala.
Atorni First
By Atorni Acosta