Biktima ng Illegal Recruitment

Dear Atty. Acosta,

GUSTO KO pong isangguni sa inyo ang aking problema. Nakipagkasundo po sa akin ang isang lalaki na itago na lamang natin sa pangalang “Boy” na ipapasok niya raw ako sa trabaho sa Taiwan. Binayaran ko siya ng halagang walumpung libong piso bilang kabayaran sa pag-aasikaso ng aking mga papeles kasama na rin ang aking ticket at visa. Ang sabi niya ay makakaalis na ako noong Hulyo 16, 2010. Subalit pagdating ko po sa airport ay wala po ang pangalan ko at ng lima pang kasamahan ko sa tala ng mga pasahero. Niloko po niya kami, pati po ang aming visa ay napag-a-

laman naming hindi balido. Ngayon ay hindi namin alam kung paano namin mababawi sa kanya ang pera na inutang lamang ng aming mga pamilya. Ano po ba ang magagawa namin? Hirap na hirap na po kami at wala na kaming ibang matatakbuhan. Sana po ay mabigyan ninyo ng pansin ang aking sulat.

Umaasa,

Jerry

Dear Jerry,

MAAARI NINYONG isuplong si “Boy” kaugnay ng ginawa niya na nagdulot ng malaking problema at abala sa iyo at sa iyong lima pang kasamahan. Masasabi na ang kanyang ginawa ay isang uri ng illegal recruitment na mahigpit na ipinagbabawal ng ating batas. Nagaganap ang illegal recruitment kung ang isang tao o ahensya, maging ito man ay lisensyado o hindi lisensyado, ay nagbigay o nagpalabas ng pekeng dokumento kaugnay ang recruitment o employment ng isang manggagawa. (Section 6 (b), Republic Act No. 8042) Ngunit alalahanin ninyo na responsibilidad ninyong patunayan ang panlolokong kanyang ginawa. Dahil anim kayong naging biktima ni Boy, maaaring ikonsidera ang kanyang ginawa bilang large scale illegal recruitment at higit na mabigat ang parusa nito na life imprisonment at fine sa halagang hindi bababa sa limang daang libong piso at hindi hihigit sa isang milyong piso. (Section 6 (b), id) Maaari ninyong ihain ang inyong reklamo sa Regional Trial Court ng lugar kung saan naganap ang pag-recruit niya sa inyo o sa lugar kung saan kayo nakatira.

Sa kabilang banda, maaari ring masabing lumabag si Boy sa probisyon ng Republic Act No. 9208 o ang “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” dahil binigyan niya kayo ng pekeng visa na naging isa sa sanhi ng hindi ninyo pag-alis sa ating bansa. Ayon sa nasabing batas, hindi legal ang pagpapaalis ng isang tao kung ito ay walang kaukulang dokumento o kung ito ay hindi aprubado ng mga ahensya ng ating gobyerno na nangangasiwa sa overseas employment. Ayon sa Section 5, id, “The following acts which promote or facilitate trafficking in persons, shall be unlawful: x x x (e) To facilitate, assist or help in the exit and entry of persons from/to the country at international and local airports, territorial boundaries and seaports who are in possession of unissued, tampered or fraudulent travel documents for the purpose of promoting trafficking in persons; x x x” Masasabi ring ang kanyang ginawa ay qualified trafficking dahil higit sa tatlo ang kanyang naging biktima. (Section 6 (c), id) Ang inyong reklamo ay maaari ninyo ring ihain sa hukuman kung saan naganap ang isa o lahat ng elemento ng krimen, o sa lugar kung saa kayo nakatira. Umaasa kami na makukuha ninyong muli ang halagang ibinayad ninyo sa kanya at matatanggap ang hustisyang inyong inaasam.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleProblema sa Ban
Next articlePati Pari, ‘Di na Nirespeto!

No posts to display