Dear Atty. Acosta,
AKO AY tatlumpu’t limang taong gulang na. Nais ko pong hingin ang inyong payo tungkol sa pagsasampa ng kaso laban sa tiyo ko, na asawa ng aking kapatid dahil sa sekswal na pagsasamantala niya sa akin noong labing isang taong gulang pa lang ako. Hindi ko alam noon na biktima na ako ng sexual abuse sapagkat inukit na niya sa aking isip na tama ang ginagawa naming pagtatalik. Maaari po bang humingi ng tulong sa PAO ng aming distrito para sa pagsasampa ng kaso?
Mara Clara
Dear Mara Clara,
BASE SA iyong salaysay ang pang-aabusong sekswal sa iyo ay nangyari may dalawangpu’t apat na taon na ang nakakaraan noong ikaw ay labing isang taong gulang lamang.
Ang iyong tiyo ay maaaring managot sa krimeng panggagahasa o Rape sapagkat wala ka pang labing dalawang taong gulang noong nangyari ito. Rape pa rin ang krimen kahit may consent o pumayag ka sa nangyari at kahit pa hindi ka niya pinilit o sinaktan upang pumayag ka na makipagtalik sa kanya. Ayon sa Artikulo 335 ng Revised Penal Code, na siyang sumasakop na batas noong nangyari ang krimen:
“Rape is committed by having carnal knowledge of a woman under any of the following circumstances: 1. By using force or intimidation; 2. When the woman is deprived of reason or otherwise unconscious; and 3. When the woman is under twelve years of age, even though neither of the circumstances mentioned in the two next preceding paragraphs shall be present.”
Ang parusang pagkakakulong ng dalawampung taon at isang araw hanggang apatnapung taon o reclusion perpetua ang ipapataw sa taong mapapatunayan na nagkasala sa krimeng ito.
Ang reklamo kaugnay rito ay isinasampa sa Office of the Provincial/City Prosecutor ng lugar kung saan nangyari ang panggagahasa. Maaaring makatulong ang Public Attorney’s Office (PAO) sa paggawa ng kaukulang affidavit-complaint na isusumite sa Office of Provincial/City Prosecutor. Maaari kang magsadya sa PAO District Office kung saan ninyo isasampa ang reklamo para matulungan ka sa iyong hinaing.
Ngunit sa iyong kaso, maaari lamang mabasura ang reklamong iyong isasampa sapagkat ang panahong inukol ng batas para isampa ang naturang kaso ay paso o lumipas na. Ayon sa Artikulo 90 ng Revised Penal Code, kailangang maisampa ang krimeng may parusang reclusion perpetua, kagaya ng Rape, sa loob ng dalawangpung taon. Kapag hindi nakapagsampa ng kaukulang reklamo ang biktima ay hindi na maaaring isampa pa ang nasabing reklamo kahit ang edibensya laban sa inaakusahan ay sapat para maparusahan siya.
Gaya ng nabanggit mo, ang sekswal na pang-aabuso ay nangyari noong ikaw ay labing isang taong gulang o may dalawampu’t apat na taon na ang nakakaraan. Ang taon na lumipas ay higit sa taon na isinasaad sa ating Revised Penal Code para magsampa ng kaukulang reklamo.
Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta