KUMPIRMADO NA sa katapusan ng January ng darating na taon ay aalis na ng bansa si Billy Crawford para harapin muli ang kanyang international singing career sa UK. Apat na buwan munang mawawala at dito ay titingnan kung saan ang kapupuntahan ng lahat, tapos na ang album na ilo-launch ni Billy sa UK, kung saan positibo kami na kung tinanggap siya noon sa Britanya, tiyak na ganito rin ang magiging senaryo sa pagsubok niya muli ng kanyang singing career sa nasabing bansa.
Sa mga interviews kay Nikki Gil, naging tapat naman ang singer/actress na kinakabahan siya dahil long distance affair ang magi-ging relasyon nila ni Billy. Para sa TV host/actor, walang dapat ikatakot ang girlfriend sa paglayo niya dahil buo ang loyalty at tiwala na ibinibigay niya rito at sa relasyon nilang dalawa.
Dalawang buwan noong nawala nang magkaroon ng US tour sa America kasama si Sarah Geronimo, kaya naniniwala si Billy na sanay na rin si Nikki kahit papaano at ‘di magiging problema kung malayo man sila sa isa’t isa pansamantala.
Nangako rin na babalik ng bansa dahil sa magagandang proyekto na nakalinya sa kanya ang ABS CBN, pagbalik ng bansa ay tiyak na sisimulan muli ang PGT pagkatpos ng PBB Unlimited. Tinatapos din ang pelikulang Moron Five and Crying Ladies sa ilalim ng direksyon ni Direk Wenn Deramas, sa pag-alis ng bansa, ito ang pelikulang iiwan ni Billy kahit nasa UK na siya.
ANG GAGANDA ng mga reviews ng mga nakapanood ng nakaraang premiere night ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story kung saan sumang-ayon ang lahat na ito nga raw ang pinakamagandang remake ng nasabing pelikula. Maganda ang istorya at ‘di mo talaga kukuwestyunin ang husay ng pagkakadirehe ni Direk Tikoy Aguiluz, kahit sabihing nagkaproblema nang may mga eksena na ni-reshoot na hindi raw alam ng magaling na direktor, maganda naman ang kinalabasan at wala kang mabubutas sa pelikula.
Sa premiere night ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story, naka-usap namin si Yul Servo na gumaganap bilang isa sa matapat na alagad ni Gov. ER Ejercito sa istorya, dito ay hiningan namin ng reaksyon ang actor/politician sa kontrobersyal na break-up ng kaibigang si Piolo Pascual at KC Concepcion. Positibo ang mensaheng ibinigay ni Yul sa dalawa, kung saan naniniwala siyang malalagapasan ng dalawa kung anuman ang mga pinagdaraanan ng mga ito. Nalulungkot din sa mga negatibong balita na ipinupukol kay Piolo, kung saan kinukuwestyon ang gender ng aktor, ayon kay Yul ay matagal na itong isyu sa kaibigan at naniniwala siya na lilipas din ang mga ito at makakayanan ng aktor.
Kahit nasa mundo ng pulitika, hindi naman nawawalan ng mga proyekto, katatapos lang ng seryeng Bagwis ng TV5 kung saan kontrabida ang role ni Yul, pagkatapos ng Manila Kingpin ay isang indie film uli ang uumpisahang gawin ng aktor na tiyak na namang magpapamalas ng kanyang husay sa pagganap.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA