SA PANITIKANG Pilipino, kapag ginamit mo ang bilog bilang isang pagsasalarawan, hindi ito kagyat na nangangahulugang tumutukoy sa hugis-bilog. Ang mas pinakahuhulugan nito ay ang paikut-ikot na Sistema sa isang proseso. Gusto ko isalarawan ang pulitika sa ating bansa bilang isang bilog na mundo. Bilog ang mundo ng pulitika sa Pilipinas, dahil ang mga pulitiko ay paikut-ikot lamang sa mga puwestong kanilang inuupuan sa pamahalaan.
Ang iba ay ginagawang parausang opisina lamang ang Kongreso at Senado. Ang ibig kong sabihin, kaya nilang magpalipat-lipat sa dalawang kapulungan ng Kongreso depende sa kung may mababakante at sa kanilang kombinyense. Nakababahala na ganito lamang kababaw ang trato ng mga tradisyunal na pulitiko o mga TRAPO kung ituring. Pangkaraniwan na nga siguro ngayon ang mga magkakamag-anak sa pulitika. Ngunit patuloy ang paglaki ng ganitong kultura sa mundo ng pulitika sa ating bansa. Hindi na bago ang magkapatid na tandem at gayun din naman ang magpinsan. Ilang pares na rin na mag-asawa ang nasa serbisyo-publiko at ang mga mag-aama o mag-iina na laging “like father like son”, o ‘di kaya ay “like mother like daughter” ang promotion sa TV. Mayroon ding mula sa tatay, nanay, at mga magkakapatid ay nasa pulitika lahat.
UNA NA sa listahan natin ang pamilyang Binay. Ang asawa nito na pumalit sa kanya bilang mayor at si Junjun Binay na suspendidong mayor ng Makati ay tiyak na babalik sa puwesto sa Makati lalo’t kung mananalo si VP Binay sa pagka-pangulo. Habang kasalukuyang nakaupo naman sa parehong kapulungan ng Kongreso at Senado ang mga anak na babae ni VP.
Minsan na ring umupo ang anak na lalaki at hipag ni dating pangulong Gloria Arroyo at ngayon ay kasalukuyang kongresista ng Pampanga. Ang mga Marcos ay patuloy pa rin ang pamamayagpag sa pulitika sa Ilocos, kung saan ay gobernador at kongresista ang mag-ina ni dating pangulong Ferdinand Marcos at kasalukuyang senador naman ang kanyang anak na lalaki na si Bongbong.
Ang mga pangalang Aquino, Binay, Cayetano, Escudero, Enrile, Estrada, Guingona, Macapagal, Maceda, Marcos, Pimentel, Roxas, Revilla, Tanada, at Villar ay ilan lang sa mga pangalang naging haligi ng pulitika sa mahabang panahon. Nagpapalit-palit lamang ang mga asawa, anak, at kapatid sa mga pinakamatataas na puwesto sa gobyerno mula sa pagiging presidente, bise-presidente, senador, at kongresista.
MALIWANAG NA isa ngang political dynasty ang kabuoan ng ating pamahalaan. Isang bilog na mundo ng pulitika na nagpapalit-palit lamang ang mga magkakaanak. Kung tutuusin ay kapag ipinagbawal ang mga magkakaanak sa ilalim ng panukalang Anti-Dynasty Law, baka maubos ang mga magpapatakbo ng ating bayan.
Maging ang mga mahuhusay kasing pulitiko o lider ng ating bansa ay nagmumula rin sa isang dynasty sa pulitika. Tila nga yata gaya ng ibang propesyon katulad ng mga pamilyang doctor, lawyers, engineers, teachers, at businessman ay nanggagaling din sa isang uri ng dynasty sa propesyon sa pamilya. Kaya rin maraming mga anak na naging doctor, lawyer, o engineer dahil pinilit sila ng kanilang mga magulang na pawang mga doctor, lawyer, at engineer din.
Sa ganitong aspeto ng kalikasan ng isang political dynasty, nais tingnan ng maraming mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang isyu. Makabubuti nga ba o makasasama ang isang Anti-Dynasty Law sa kultura ng pulitika sa PIlipinas? Kung natural ang kaisipang dynasty sa kulturang Pinoy, paano pa ito maaalis? Kailangan ba ito talagang alisin o baka may ibang paraan pa?
SA DARATING na 2016 ay maraming mga sikat na pangalang muling magbabalik sa Senado at Kongreso. Habang may nalalabi pang termino si Cynthia Villar sa Senado ay baka papasok naman si Mark Villar sa bakurang ito mula sa Kongreso. Kung mangyayari ito ay baka raw, ayon sa isang pahayagan, bumalik si dating senador na si Manny Villar sa Kongreso kung saan ay minsan naging Speaker of the House at kilala sa pag-impeach sa Congress kay dating Pangulong Estrada.
Inaasahan ding magdedeklara na si Bongbong Marcos ng kanyang pagtakbo sa pagka-pangulo sa darating na Linggo. Muli na naman nating makikita ang Marcos for president sa mga banderitas at papel na ikakalat sa buong bansa. Tiyak na rin ang Roxas for president na kampanya sa print media at TV. Mga pangalang gumuhit sa ating kasaysayan bilang isang bansa.
Isa nga sigurong hasty generalization kung sasabihin nating ang mga produkto ng political dynasty ay dapat hindi na iboto sa 2016, dahil marami naman sa kanila ang mahuhusay at may paninindigan. Dapat lang ay suriin natin nang mahusay ang mga taong ito base sa kanilang mga nagawa bilang public servant at sa mga isyu at kasong naiuugnay sila at kanilang pamilya.
SA 2016 elections ay hindi rin naman tayo nakasisiguro sa mga bagong pangalan at wala pang gaanong karanasan sa pagsisilbi sa gobyerno bilang lider ng bansa. Kung laging ipinaaalala sa atin ang kalupitan ng Martial Law sa panahon ng diktadurya ni Ferdinand Marcos, hindi rin natin dapat kalimutan na ang pumalit sa kanya, na walang karanasan sa pulitika mula sa pagiging full-time housewife, ay nagtala ng isa sa pinakamababang growth rate sa ating ekonomiya mula 1986 hanggang 1990 sa buong kasaysayan ng Pilipinas.
Shooting Range
Raffy Tulfo