TAPOS NA ang UAAP Season ‘76 Basketball games pero hindi ito nangangahulugan na wala nang kaabang-abang sa season na ito. Aminin na natin na kapag basketball ang pinag-uusapan, mapababae man o lalaki, estudyante man o nagtatrabaho, artista man o hindi, bata man o matanda, nakaantabay rito. Pero, may susunod na yata sa basketball madness ng mga fans ng UAAP dahil pati ang Women’s Volleyball Game ay sinusubaybayan na rin.
Noong ika-15 lamang ng Marso, araw ng Sabado, nakuha ng Ateneo De Manila University Lady Eagles team ang kanilang kauna-unahang Volleyball Championship crown simula nang sila ay sumali sa UAAP maraming taon na rin ang nakalipas. Nakuha nila ang titulong ito matapos talunin sa 3 sets na sunud-sunod ang 3 peat na kampeon, ang De La Salle University Lady Spikers sa iskor na 25–23, 26–24 at 25–21.
Kung mapapansin, napakalapit ng mga iskor ng bawat set kaya masasabi mo pa rin talaga na matinik at maganda ang laban. Kahit nga hindi pa nagsisimula ang laro, ramdam na ramdam mo na agad ang init mula sa dalawang kampo. Paano ba naman, simula’t sapul, “rivals” na ang dalawang paaralang ito.
Sa mga hindi nakapanood, sa TV man o sa live, sa unang set pa lang, tumagal ang larong ito ng 45 minuto. Ganito katagal dahil tuluy-tuloy lang ang rally ng dalawang team na ito. Ayaw patalo, ayaw paawat. Nakakaiskor lang yata sila kapag outside ang service o ang pag-receive. Ganito ka-intense ang laban, sa simula pa lang! Nakuha ng ADMU Lady Eagles ang first set.
Nang nagsimula ang second set, nagpamalas agad ng kagalingan ang kabilang team, ang DLSU Lady Spikers. Lumamang pa nga sila ng pitong puntos kaya nga lang, nahabol pa rin ito ng Ateneo hanggang sa nag-tie sila sa 24. Nag-deuce pa nga. Sa dulo, nasungkit pa rin ng ADMU ang puntos ng panalo sa set na ito.
Sa ikatlong set naman, ramdam mo na ang kaba ng DLSU Lady Spikers kasi siyempre, do or die ang set na ito para sa kanila sa paghahangad ng 4-peat na panalo. Kaya nga lang, mas lumamang ang kaba sa kanila at makikita iyon sa kanilang mga galaw. Lumamang ang ADMU nang siyam na puntos, pinakamalaking lamang sa laro. Nahabol ng DLSU hanggang sa naging 21–23 pa nga ang iskor. Subalit, hindi na pinayagan ng ADMU na sila pa ay makahabol kaya buong determinasyon nilang tinapos ang laro.
Simula pa lang, kapansin-pansin na rin ang pag-angat ng kagalingan ni Alyssa Valdez ng ADMU Lady Eagles sa court na siya ring tinanghal na MVP Finals matapos makakuha ng 22 na puntos. Nakamamangha ang manlalarong ito dahil nasungkit lang naman niya ang mga awards tulad ng Finals MVP, Season MVP, Best Server at Best Scorer sa ngayong season.
Pinatunayan ng labang ito na talagang “Destiny over Dynasty” ang mananaig. Pero, hindi ibig sabihin nitong hindi nagbigay ng magandang laban ang DLSU Lady Spikers. Sa dikit ba naman ng iskor at sa haba ng rallies na naganap, talaga namang intense ang laban! Idagdag mo pa ang higit-kumulang 21,000 na katao na nanonood nang live sa MOA Arena at sa milyong katao na nanonood sa TV at sabay-sabay na nagtu-tweet.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo