AMININ MAN o hindi ng Malacañang – kahit saang anggulo tingnan – maling-mali ang ginagawa ni Pangulong Noynoy na isali sa kanyang regular busy schedules ang pagsama sa sorties ng senatoriables ng Liberal Party.
Maraming mga seryosong problema ang kinakaharap ng ating bansa na naghihintay na mabigyan niya ng atensyon. Pero sa halip, mas pinili ng Pangulo na pagtuunan ng pansin ang makasariling problema ng kanyang mga kapartido na panalunin ang lahat ng kanilang kandidato.
Ang masaklap pa nito, karamihan sa sorties ng LP senatoriables na sinasamahan ni P-Noy, kapansin-pansin na marami sa mga kandidato nito ay absent at humihiwalay dahil mas ginusto pang kumampanya na lang ng sarili.
Ito ba ay dahil wala silang bilib sa Pangulo at ‘di sila naniniwala na ang presensya niya ay talagang makatutulong sa kanila? O baka naman – tulad ng sinabi ng isang babaeng senatoriable ng United Nationalist Alliance – walang paggalang ang ilang “manok” ng Pangulo sa kanya at ganu’n-ganu’n na lang kung siya ay bastusin nila.
Dagdag pa nga ng nasabing senatoriable, kung ang mga ito nga raw ay walang pagrespeto sa mismong pinakamataas na opisyal ng bansa, paano na kaya kay Juan dela Cruz kapag sila ang mga nanalo?
Ang kapansin-pansin lang na palaging ‘di nawawala sa mga sortie ng LP ay si Congresswoman Cynthia Villar – ang kabiyak ni Senator Manny Villar.
HINDI RIN makatutulong sa mga iniindorsong kandidato ng Pangulo ang ginagawa niyang maya’t mayang pagbabatikos o pagpapahaging sa entablado sa mga kalaban niya. Ito ay isang plain and simple dirty politics.
Marami sa mga botante ang nate-turn off sa ganitong klaseng istilo ng pangangampanya. Mas gusto kasi nilang marinig kung ano ang nagawa ng kanilang bobotohin at ano pa ang mga gagawin ng mga ito para sa ikabubuti ng kanilang kabuhayan at kalagayan sa halip na makarinig ng mga walang kakuwenta-kuwentang paninira at pamemersonal sa mga katunggali.
SA KABILANG banda, tama ang ginawang panawagan ng Malacañang sa kanilang LP candidate sa pagka-congressman at kasalukuyang alkalde ng Pagadian City na si Mayor Samuel Co na sumuko sa mga awtoridad.
May ipinalabas ang isang korte kamakailan ng arrest warrant para kay Co dahil sa pagkakasangkot umano nito sa Aman Futures scam. Nabigo ang grupo ng National Bureau of Investigation na i-serve ang arrest warrant para kay Co nang magpunta sila sa bahay at opisina nito noong nakaraang linggo.
Nakakatawa nga lang ang sinasabi ng mga abogado ni Co na hindi raw ito nagtatago at nasa Pagadian City lamang. Ano ang tawag mo sa isang tao na alam niyang may warrant of arrest para sa kanya pero hindi mo siya mahanap?
Dapat si Pangulong Noynoy na – bilang lider ng LP – ang personal na manawagan kay Co at pilitin itong sumuko sa korte.
Kapag ginawa niya ito at tumugon si Co sa kanyang panawagan, makatutulong ito sa mga kandidato ng LP at pati na rin sa trust rating ng Pangulo. Magkakaroon siya ng instant credibility sa mga botante dahil lumilitaw na pinaniniwalaan pa rin siya at nirerespeto ng kanyang partymates.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na napanonood sa Aksyon TV Channel 41. Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm at sa Aksyon Weekend news tuwing Sabado, 6:30pm.
Para sa mga gustong magparating ng sumbong sa inyong lingkod, mag-text sa 0908-87TULFO, 0917-7WANTED at 0918-983T3T3.
Shooting Range
Raffy Tulfo