Binabawi ang Namanang Bahay at Lupa

Dear Atty. Acosta,

 

AKO PO ay may naging kapit-bahay na matandang babae. Isa siyang dalaga, walang anak at nag-iisa lamang sa bahay niya. Dahil sa kanyang katandaan, hirap na siyang kumilos at magtrabaho sa bahay. Ako po ang tumulong sa kanya at nag-alaga noong mga panahong walang nag-aalaga sa kanya, lalo na noong bago siya mamatay. Bilang pagtanaw ng utang na loob, pinayagan niya akong tumira sa bahay niya dahil ako ay nangungupahan lamang sa bahay na aking tinitirahan. Bago mamatay ang matandang ito, gumawa siya ng deed of donation na inililipat ang pag-aari ng bahay at lupa sa akin. Subalit hindi po ito notaryado, pero merong mga testigo na nakapirma pa sa nasabing dokumento. Sa ngayon po ay may lumitaw na kapatid ang matandang ito at binabawi sa akin ang bahay at lupa. Mababawi po ba sa akin ang lupa? Payag siyang magbigay sa akin ng bahagi ng lupa para wala nang abalang demandahan. Ano po ba ang dapat kong gawin?

 

Maria

 

Dear Maria,

 

ANG GINAWANG pamimigay sa iyo ng bahay at lupa ng matandang babaeng nabanggit sa iyong liham ay isang donasyon. Ang transaksyong ito ay dapat naaayon sa batas upang magkabisa. Dahil ang ipinamigay sa iyo ay isang bagay na ‘di natitinag o immovable property, ang donasyon, ganoon na rin ang pagtanggap dito ng taong pinagbigyan, ay dapat napapaloob sa isang pampublikong dokumento para magkabisa. Ito ang sinasabi ng Artikulo 749 ng New Civil Code of the Philippines na nagsasabi ng mga sumusunod:

“Art. 749. In order that the donation of an immovable may be valid, it must be made in a public document, specifying therein the property donated and the value of the charges which the donee must satisfy.

The acceptance may be made in the same deed of donation or in a separate public document, but it shall not take effect unless it is done during the lifetime of the donor.

If the acceptance is made in a separate instrument, the donor shall be notified thereof in an authentic form, and this step shall be noted in both instruments.”

Maliwanag sa nabanggit na probisyon ng batas, na ang isang donasyon patungkol sa isang bagay na ‘di natitinag, katulad ng lupa, ay dapat na nasa isang notaryado o pampublikong dokumento upang ito ay magkaroon ng bisa. Samakatuwid, ang ginawang donasyon ng matandang babae ay walang bisa dahil ito ay hindi naman notaryado kahit na mayroon pang mga testigong nakapirma rito. Isa pa, wala ka ring nabanggit na ito ay iyong tinanggap. Kung ito ay hindi mo tinanggap, wala ring bisa ang nasabing donasyon (Article 745, New Civil Code of the Philippines).

Dahil walang bisa ang donasyon, maaari kang mapaalis ng tagapagmana ng matandang babae sa nasabing bahay at lupa. Kung siya naman ay bukas sa pagkakaloob ng parte ng lupa sa iyo, mas mabuting makipag-usap ka na lang sa kanya at tanggapin ang kanyang alok.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleNagniningning na mga Christmas Display
Next articleLugi sa Sahod

No posts to display