DAHIL SA banta ng Ebola virus sa buong mundo ay hindi maiiwasang mag-ingat ng maigi ang ating bansa. Kaya naman ang Department of Health (DOH) ay inoobliga ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na uuwi ngayong Kapaskuhan na sumailalim sa quarantine procedure para masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan, partikular ang mga kamag-anakan nilang nag-aabang sa kanilang pag-uwi.
Maganda naman ang intensyon ng DOH subalit hindi yata handa ang ahensya para sa maayos na implementasyon ng kanilang programa. Hindi biro ang manatili sa isang quarantine procedure sa loob ng 21 araw lalo at nanggaling ka sa isang mahabang biyahe at matagal na nawalay sa iyong mga mahal sa buhay at pamilya. Idagdag pa ang limitadong bakasyon ng mga OFW rito sa Pilipinas dahil kailangan nilang bumalik sa mga bansang pinatatrabahuhan nila pagkatapos ng Kapaskuhan dito sa bansa.
Nakalulungkot na mabalitaan ang dinanas ng mga kababayan nating OFW na kailan lang ay nagsimulang sumailalim sa quarantine procedure ng DOH. Nagreklamo ang mga kawawang OFW na hindi umano sapat ang pag-aalaga sa kanila ng DOH, partikular sa pagkain at maayos na pasilidad. Hindi naman katanggap-tanggap na binabalewala lamang ng DOH ang pagturing sa mga taong ito ng ating pamahalaan at lipunan bilang mga bagong bayani. Sila na nga ba ang binabalewalang bayani?
ALAM NAMAN nating lahat ang kabayanihan ng mga OFW para sa ating bansa. Ang malaking pera na ipinapasok nila sa ating ekonomiya ang nagsasalba rito para patuloy na gumulong ang ating ekonomiya. Kung wala ang mga dolyar na ito ay matagal nang nag-collapse ito at tiyak na damay tayong lahat sa problema.
Ang mga dolyar na ipinapasok nila ang nagpapasigla sa ating ekonomiya sa pamamagitan ng paggasta nito sa merkado ng bansa. Dahil dito ay kumikita ang mga mamumuhunan sa bansa at nakapagbibigay kita at trabaho naman sa maraming empleyadong Pilipino. Bukod dito ay nakapagbibigay pa ng mga bagong trabaho ang mga mamumuhunan kung patuloy na lalaki ang kanilang negosyo dahil sa magandang ikot ng pera sa merkado.
Isipin na lang natin kung ilang milyong Pilipino ang hindi gagastos dahil sa wala na silang perang panggastos, dahil hindi na magpapadala ang mga OFW nating kababayan. Ang lahat ng sektor sa lipunan ay apektado kung mawawala ang mga OFW o mga bagong bayani. Kaya naman ay nararapat lang ang magbuting pagtrato sa kanila ng DOH sa ganitong mga panahon.
MASAKIT TALAGANG isipin lalo na sa mga kamag-anakan ng pamilya ng OFW na bukod sa matagal nilang hihintayin pa na matapos ang quarantine period, pagkatapos ng matagalang paghihintay na ginawa nila habang nasa ibang bansa ang mga mahal nila sa buhay na OFW, ay mababalitaan pa nilang ginugutom ang mga ito ng ahensyang nagpipiit sa kanila.
Siksikan daw sila sa kuwarto at higaan na parang mga preso sa kulungan. Hindi naman ito ang inaasahan nilang pagtrato at pag-aalaga sa kanila. Bakit ang mga peace keepers ay may media coverage pa at lahat ng pag-aalaga ay tutok sa kanila? Hindi naman naiiba at nalalayo ang pagkabayani ng mga peace keepers sa ating mga OFW.
Kung papaano inaalagaan ang mga peace keepers ay dapat ganoon din ang pag-aalagang ginagawa ng DOH sa ating mga OFW. Hindi dapat sila kinulong na parang mga sardinas sa mga kuwartong kanilang tinutulugan ay pinag-ipit-ipit sa mga kamang kanilang pinaghahatian.
DAPAT AY sinigurado ng DOH ang kanilang pondo para sa mga pasilidad nila at supply sa quarantine program ng ahensiya. Hindi naman magandang isipin na hindi man magkasakit sa Ebola virus ang mga OFW ay magkakasakit naman sila sa ulcer dahil sa ginugutom sila ng mga taga-DOH sa loob ng quarantine facility nito.
Baka naman talagang maraming mga anomalya riyan sa DOH kaya nawawala ang pondo para sa quarantine program nito. Hindi lingid sa ating kaalaman na sumasailalim din ngayon ang DOH sa isang scrutiny ng Office of the Ombudsman dahil sa isyu ng korapsyon dito.
Tila dumarami ang mga kapalpakan ng ahensyang ito at nangangailangan ng isang malakas na kalampag mula sa taong bayan. Mahiya naman tayo sa mga OFW na malaki ang naitutulong sa ating lahat. Hindi natin dapat payagan ang ganitong pambabalewala sa kanila ng DOH. Dapat ay may managot sa isyung ito at hindi tayo papayag na lilipad na lang sa hangin ang lahat.
ANG BAWAT isang Pilipino ay deserving sa isang mabuting trato ng pamahalaan. Sa tingin ko ay mas lalo pa dapat itrato ng mabuti at bigyang respeto ang mga OFW dahil gumagawa sila ng kabayanihan sa ating bayan. Hindi madali ang manirahan sa ibang bansa na malayo sa iyong pamilya. Ang bawat gabi ng kalungkutan nila ay walang kasing pait kaya’t isang tunay na kabayanihan ang kanilang ginagawa.
Sana ay aksyonan na ito ng DOH at maging ng OWWA. Hindi naman mahirap ang kahilingan ng mga OFW na naka-quarantine ngayon na bigyan sila ng maayos na pagkain doon at komportableng tulugan o pahingahan. Huwag po nating balewalain ang mga bayani ng ating panahon.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo