Binalikan ng Childhood Sweetheart

Dear Atty. Acosta,

MAGANDANG ARAW po. Isa akong masugid ninyong tagasubaybay sapagkat marami akong natututunan sa pagbabasa ng inyong kolum. Nais ko pong isangguni sa inyo ang sitwasyon ko. Nagkita kami ng aking childhood sweetheart sa isang social networking site. Nalaman ko na siya ay naging Australian citizen na at hiwalay na rin sa kanyang asawa. Nagkapalagayang-loob kami hanggang sa ngayon ay magnobyo na kami. Niyaya na niya akong magpakasal ngunit nag-aalangan ako dahil ang alam ko ay dito sila nagpakasal sa Pilipinas ng dati niyang asawa ngunit sa Australia sila kumuha ng kanilang diborsyo. Ang nais ko pong malaman, magiging legal po ba ang aming kasal kung sakali? Malapit na po kasi ang kanyang pag-uwi.

Mary

 

Dear Mary,

NAKATUTUWANG ISIPIN na bagama’t lumipas na ang mga panahon ay nabigyan ka pa rin ng pagkakataon na makitang muli ang iyong childhood sweetheart na ngayon ay hinihingi na ang iyong kamay upang kayo ay magpakasal. Subalit, upang maging sigurado na walang magiging problema ang inyong napipintong pag-iisang dibdib, mahalaga na isaalang-alang ninyo ang mga probisyon ng batas kaugnay ng inyong pinaplanong pagpapakasal upang makatiyak ka rin na magiging legal at hindi kayo magkakaroon ng problema ng iyong nobyo sa mga darating na panahon.

Nabanggit mo na ang iyong nobyo ay kasalukuyan ng Australian citizen at nagkaroon na siya ng unang kasal dito sa Pilipinas subalit sila ay nagdiborsyo na sa bansang Australia. Ang pangkalahatang alituntunin ay hindi balido ang pakikipagdiborsyo ng dalawang Pilipino na ikinasal dito sa Pilipinas sapagkat walang diborsyo sa ating bansa. Subalit, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng panibagong nasyonalidad ng iyong nobyo ay nawawala na ang kanyang pagiging Pilipino. Dahil dito, ang batas na sasakop na sa kanya ay ang batas na ng bansang Australia. Kung sa batas ng kanilang bansa ay kinikilala ang proseso ng pakikipagdiborsyo bilang isang legal na paraan ng pakikipaghiwalay at legal niyang nakuha ang pakikipagdiborsyo sa kanyang asawa, kikilalanin ito ng ating batas at maaaring masabi na wala nang bisa ang kanyang naunang kasal. Subalit maliban sa pagpapatunay na legal na siyang hiwalay sa kanyang naunang asawa, kailangan din patunayan ng iyong nobyo na mayroon siyang kapasidad na magpakasal batay sa batas ng bansa kung saan ito gaganapin, alinsunod na rin sa prinsipyong lex loci celebracionis. Dahil dito kayo sa Pilipinas magpapakasal, kailangan na gawin ninyo ang naaayon sa ating batas at isa na rito ang pagkuha ng kaukulang lisensya. Ayon sa Family Code of the Philippines, ang bawat partido na nais magpakasal ay kailangang kumuha ng marriage license (Artikulo 3, id) mula sa local civil registrar ng lugar kung saan sila naninirahan. Kung ang isa o parehong partido sa kasal ay banyaga, kailangan na makapagsumite siya o sila ng certificate of legal capacity to contract marriage na magmumula sa kanilang embahada o konsulado rito sa Pilipinas bago sila pagkalooban ng nasabing marriage license. (Artikulo 21, id) Maliban dito, kung ang isa sa kanila ay dati nang ikinasal, kailangan din niyang magsumite ng judicial decree of the absolute divorce na ipinalabas ng hukuman sa bansa kung saan niya ito hiniling. (Artikulo 13, id)

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleNag-inarte
Next articleJoey de Leon, sinabing malabo pa raw makabalik si Wally Bayola sa EB

No posts to display