NAIS KONG pasalamatan ang Gawad Amerika Foundation dahil sa parangal na ibinigay nila sa inyong lingkod noong November 3, 2012.
Kasama ang aking pamilya, sinadya ko ang Los Angeles, California kung saan idinaos ang awarding ceremony para personal na tanggapin ang parangal bilang MOST OUTSTANDING FILIPINO IN THE FIELD OF MEDIA.
Ang Gawad Amerika Foundation ay binubuo ng mga Fil-Am newspaper publishers, columnists and reporters na nakabase sa California.
Sa puntong ito, labis kong pinasasalamatan ang lahat ng mga taong patuloy na sumusuporta sa aking adbokasiya ng pagtulong sa mga maliliit na mamamayang inaapi at inaabuso.
Nais ko ring pasalamatan lalung-lalo na ang mga mismong naaapi at naaabuso dahil sa kanilang pagtitiwala at ako ang napili nilang lapitan para idulog ang kanilang mga hinaing. Sila ang dahilan kung bakit ko narating ang aking kinaroroonan ngayon. Taos-puso’t buong pagpapakumbaba na inaalay ko sa kanila ang parangal kong ito.
MALAKI ANG paghanga ko sa mga Pilipino na nasa California partikular na sa San Francisco Bay Area, kung saan marami akong kaibigan at kakilalang mga kababayan natin doon. Bagama’t nagkaroon ng economic crisis sa U.S. nitong mga nagdaang taon at dumaranas ngayon ng kahirapan sa Amerika dahil sa mataas na unemployment rate, hindi apektado ang malaking porsyento ng Filipino community doon.
At isa sa mga kadahilanan ay sapagkat masisipag at madiskarte ang mga Pilipino. Sa trabaho halimbawa, ‘pag sumasapit ang mga holiday doon, hindi maaasahan ang mga Amerikano na magtrabaho sa mga araw na iyon. Ibig sabihin, mas pipiliin nilang magbakasyon kaysa magtrabaho nang overtime.
Kaya, napipilitan ang mga employer na italaga sa mga Pilipino ang pagtatrabaho nang overtime na siya namang ikinatutuwa ng mga kababayan natin dahil sa halip na magmaktol, nakikita nilang isang oportunidad ito para kumita nang malaki.
Ang resulta ng kasipagang ito, pagdating ng kinailangang magbawas ng empleyado ang kumpanya, ang mga Pilipino ay hindi apektado. Bukod pa rito, ang katas ng kasipagang ito ay mga magagarang sasakyan at magagandang bahay na napapasakamay sa mga kababayan natin doon.
MAKAILANG BESES din kaming napasyal ng aking pamilya sa mga grocery store sa California na kilalang pinupuntahan ng mga Pilipino. At sa tuwing may napapansin kaming magagarbong sasakyan, Pilipino ang nagmamaneho.
Minsan, isang gabi, napasyal ako sa isang kilalang restaurant sa South San Francisco para sa isang dinner na paboritong dayuhin ng mga Pilipino.
Sa parking lot, kapansin-pansin na halos lahat ng mga sasakyan ay mga mamahaling kotse at SUV na kung dito sa atin ay mga nagkakahalaga ng limang milyong piso pataas.
Naimbitahan naman ako sa isang get-together party para sa mga barkada ng isang kaibigan sa kanyang bahay sa Vallejo, California. Namangha ako sa laki at ganda ng bahay ma-
ging ng mga kagamitan lalo pa ang iba’t ibang klaseng exotic cars na nakaparada sa garahe nito.
Oo nga at may mas malalaki pang bahay na pag-aari ng mga Pilipino sa California tulad na lang ng Hillsborough at Beverly Hills. Pero ang mga nakatira rito ay kundi man mga negosyante ay mga super milyonaryong kababayan natin dito sa Pilipinas na nag-i-invest sa real estate sa abroad.
‘Di tulad ng mga ikinukuwento kong mga kababayan natin na nakahalubilo ko sa Amerika at magaganda ang pamumuhay ay mga pangkaraniwang empleyado. At dahil sa kanilang kasipagan at diskarte sa buhay napapasakamay nila ang tinatawag na The American Dream.
Mabuhay tayong mga Pilipino!
Shooting Range
Raffy Tulfo