DAHIL ANG BAGONG pelikula nina Toni Gonzaga at John Lloyd Cruz sa Star Cinema ay may pamagat na My Amnesia Girl, kaya naman sa ginanap na presscon para sa nabanggit na movie ay pinagbubulungan ng mga manunulat si Toni. Na bagay raw sa kanya ang pamagat ng project, dahil ang anak daw ni Mommy Pinty ay mayroong pagtrato sa mga press na kadalasan ay para siyang mayroong amnesia at deadma lang.
Kung bibigyang katuwiran, baka naman pagod lang si Toni dahil sa dami ng kanyang trabaho sa ABS-CBN bilang TV host, na bukod sa mayroon ding teleserye ay nagpepelikula pa, ‘di ba? Baka nasasagad na siya, kaya kapag makakasalubong mo siyang naglalakad sa ABS-CBN Compound, deadma talaga ang dating niya. Kakaiba iyon sa ugali ng kanyang sister na si Alex Gonzaga dahil may panahon si Alex makipagkumustahan at makipagtsikahan sa mga manunulat, kaya nababanggit niya ang pangalan ng maraming kasamahan sa panulat.
Hindi talaga maiiwasan na ikumpara ng mga manunulat ang ugali ni Toni noong kalilipat pa lang niya sa Kapamilya network, galing GMA-7 at Eat Bulaga. Nu’ng hindi pa kasi siya sikat na sikat ay masarap katsikahan ang anak ni Mommy Pinty. Ngayon daw kasi ay malaki na ang ipinagbago ng magandang TV host. Hindi na siya matsika. Iba raw ang pagiging matsika na nakikita natin sa kanya sa telebisyon. Sa personal, mukha na raw siyang deadma, mukhang pagod na feeling gustong magpahinga, kaya maiilang kang lapitan at kausapin siya.
MAGKAIBA ANG NAGING karanasan namin sa pag-aasikaso kina Ruffa Gutierrez at Gretchen Barretto sa katatapos na 24th PMPC Star Awards For Television. Bilang miyembro ng Philippine Movie Press Club, isa ako sa laging naka-toka na sumalubong at maghatid ng mga dumarating na artistang dumadalo sa aming award’s night. Bongga at napakalaki kasi ng Resorts World na naging venue namin noon, kaya mahaba ang lalakarin bago namin maihatid sa upuan ang mga bisitang artista.
Nang dumating si Ruffa, inalalayan ko. Dahil mahaba nga ang nilalakad at matarik ang dalawang hagdanan na dinaanan namin bago ko siya maihatid sa backstage, umandar ‘yung natural at cute na kaartehan ni Ruffa. Sabi niya: “Grabe! Ang laki ng venue! Ang haba ng lalakarin. Ano ba ‘yan? Ang taas ng hagdan? Ayyy! Natapakan ko na tuloy ang laylayan ng gown kooo! Sumabit na sa shoes kooo!” Nang maihatid ko si Ruffa sa backstage, nagpasalamat naman siya. Sabi rin ng friend niyang si Jimmy: “Thank you, Melchor!”
Nang dumating si Gretchen, patapos na ang Star Awards at ia-award na siya. Sa lobby pa lang, pinagkaguluhan na siya. Iniinterbyu. Nilapitan ko na ang friend niyang si Betina, na kailangan nang maipasok namin si Gretchen sa loob. Nu’ng igina-guide na namin siya papasok ng theater, dumog pa rin ang mga tao. Sabi ko sa miyembro rin naming si Noel Asinas: “Noel, alalayan mo si Gretchen!” habang sa likod ni Barretto ay may ilang lalaki na kasama niya. Biglang may nagsalita ng: “HUWAG N’YO SIYANG HAHAWAKAN!” Lumingon ako, nakilala kong ang isa sa mga lalaking iyon ay si Mr. Tony Boy Cojuangco. Natulala ako bigla. Naisip ko: Ang dami nga palang alahas ni Gretchen, kaya huwag na lang lapitan.
PARANG HUMINTO NA ang kasikatan ni Aljur Abrenica kung saan siya nakarating. Mabait naman siyang bata. Guwapo at maganda ang katawan bilang seksing lalaki, kaya marami ang nagpapantasya sa kanya. Kaya lang, hindi pupuwede sa showbiz ang puro kaguwapuhan at ganda lang ng katawan. Pinapanood ko si Aljur sa teleseryeng Ilumina ng GMA-7, at ang malaki niyang problema ay mabagal ang kanyang improvement sa pag-arte. Walang lalim ang kanyang acting kaya para pa rin siyang isang baguhan.
ChorBA!
by Melchor Bautista