Kung naghahanap ka ng isang de-kalibreng artista, hindi siyempre magpapahuli ang isang pinagpipitaganang Rio Locsin ng Philippine Cinema.
Alam n’yo bang matagal-tagal ding sinamba ng mga kalalakihan ang ganda at alindog ni Rio lalo na nu’ng panahong aktibong-aktibo siya sa pag-aartista? Oo, isa lang naman kasi siya sa mga itinuturing na sex goddesses ng Philippine Cinema na nakikipagsabayan noon kina Alma Moreno, Lorna Tolentino, at Cherrie Gil.
Bago pa ang Kambal sa Uma, inilunsad siya sa pelikulang Disgrasyada (1979). Lumipad din siya sa pelikulang Bira, Darna, Bira at hinangaan sa pelikulang Manila by Night (City After Dark).
Ikinasal si Rio sa aktor na si Al Tantay at nagkaroon sila ng dalawang anak. ‘Yun nga lang, hindi nagtagal ang kanilang pagsasama at nauwi ito sa hiwalayan. Muling tumibok ang kanyang puso para naman kay Padim Israel na rookie sa Crispa Redmanizers noon na asawa pa rin niya hanggang ngayon, at ayon nga kay Rio, “hanggang mamatay kami, magkasama kami.”
Masasabi ni Rio na masaya siya dahil nairaos na ang pag-aaral ng kanyang mga anak. Hindi kasi nakapagtapos ng kolehiyo si Rio kaya pinilit niyang mabigyan ng magandang edukasyon ang mga anak dahil ‘yun lang daw ang puwedeng ipamana niya sa mga ito.
Huling nasilayan ang ganda at galing ni Rio Locsin nang gumanap siya bilang ina nina Ella at Vira sa remake ng kanyang pelikulang Kambal sa Uma. At para sa isang artista na ’tila hindi kumukupas ang ganda, “contentment” o pagiging kontento raw sa buhay ang sikretong nais ibahagi niya.