Bisa ng Kasal Na Walang Lisensiya

Dear  Atty. Acosta,

MY PARTNER was married in May 2001. May anak silang isa. Since nadestino siya rito sa amin, hindi na sila nagsama ng babae kasi ayaw niyang tumira sa camp ng partner ko. Nagkakilala kami 2003. Nagkaroon ng relasyon at ngayon, may isa nang anak and until now, kami na po ang nagsasama. Namili po kasi ‘yung partner ko at kami ng baby ko ang pinili niya. Pinilit kong maghiwalay kami, kaso ayaw niya. At sa pagsasama namin, dito ko nalaman na lagi pala silang nag-aaway noong babae. Tapos ‘yung kasal pala ay madalian at pinilit lang pumirma ‘yung partner ko. Ang matindi pa po nito ay hindi pala sila nabigyan ng marriage license noon. At nu’ng tinanong ko ‘yung partner ko tungkol sa wedding ring n’ya, eh, sinabi na wala raw silang wedding ring nu’ng kinasal sila. Ano po kaya p’wede naming gawin ng partner ko… Kasi gusto po sana naming magpakasal kaso hindi p’wede.

Agot

 

Dear Agot,

ANG MAAARING gawin ng inyong kinakasama ay magsampa ng petisyon upang ipadeklarang walang-bisa ang kanyang naunang kasal. Inyong nabanggit sa inyong liham na walang marriage license na inisyu sa mag-asawa bago sila ikinasal. Ito ay isang basehan upang ipadeklarang walang-bisa mula sa simula ang isang kasal.

Ayon sa batas, ang kakulangan ng alin man sa mga esensyal o pormal na kinakailangan para sa kasal ay mangangahulugan na walang-bisa ang nasabing kasal. (Art. 4, Family Code of the Philippines) Nakasaad din sa batas na ang pagkakaroon ng balidong marriage license ay isa sa mga formal requisites upang maging balido ang isang kasal. [Art. 3(2), Family Code of the Philippines) Samakatuwid, kung walang marriage license bago ikinasal, ang nangyaring kasal ay walang-bisa mula sa simula pa lamang.

Mayroon din namang mga pagkakataon na pinahihintulutan ng batas na magpakasal ang dalawang tao kahit wala silang marriage license gaya ng pagkakataon kung saan ang tirahan ng alin man sa partido sa kasal ay matatagpuan sa isang lugar na walang transportasyon upang makapunta nang personal sa tanggapan ng local civil registrar ng kanilang lugar. (Art. 28, Family Code of the Philippines) Isa pa sa mga pagkakataong ito ay kung nagsama na bilang mag-asawa ang mga partidong nais magpakasal nang hindi bababa sa limang (5) taon. Kinakailangan lamang na sa kanilang pagsasama, walang legal na hadlang upang sila ay magpakasal sa panahong iyon. Wala namang lumalabas sa inyong liham na napapaloob ang kaso ng inyong kinakasama at kanyang asawa sa mga pagkakataong nabanggit sa batas.

Ang pinakamainam ninyong gawin sa pagkakataong ito ay payuhan ang inyong kinakasama na sumangguni sa isang abogado upang siya ay matulungan sa paggawa at pagsumite ng nabanggit na petisyon upang ipadeklarang walang-bisa ang kanyang kasal sa harap ng hukuman. Pagtapos maisampa ang nasabing petisyon, diringgin na ng hukuman ang kanyang petisyon. Pagkalipas ng pagdinig, maaaring i-dismiss ng hukuman ang kanyang petisyon o maaaring ideklara nito na talagang wala ngang bisa ang kasal niya sa kanyang asawa. Wala namang magiging rason ang hukuman upang hindi ibigay ang deklarasyon na hihingin ng inyong kinakasama kung mapatutunayan niyang wala ngang bisa ang kanilang kasal dahil hindi sila kumuha at nabigyan ng marriage license bago sila ikasal.

Pagkatapos ideklara ng hukuman na walang-bisa ang kasal ng inyong kinakasama, maaari nang magpakasal sa inyo o kahit sino pang nanaisin niya ang inyong kinakasama.

Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.

Nawa’y kami ay nakatulong na maliwanagan kayo sa inyong suliranin.

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV. 

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleKapalmuks
Next articlePanawagan Para Kay Bise Presidente Binay

No posts to display