BIGO PA RIN si Quezon City Vice-Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista na sagutin ang mga katanungan sa hindi maipaliwanang na paggamit ng P2.7 bilyong badyet ng kanyang tanggapan.
Sa isang national TV interview, halatang nangangapa sa dilim ang komedyanteng Vice- Mayor nang tanungin kung papaano ginamit ang P300 milyong pondo kada taon ng kanyang tanggapan.
Matatandaan na sinampahan ng kasong graft si Bautista sa Office of the Ombudsman kaugnay ng hindi niya maipaliwanag na paglustay umano sa P300 milyong taunang badyet ng kanyang tanggapan na may kabuuang P2.7 bilyon sa loob ng siyam na taon.
Bago ang interview ni Bautista, inilahad ni mayoralty candidate Mike Defensor sa programa ng ANC ang malaking gastusin ng Office of the Vice Mayor sa pagbili ng mga softdrinks at pagkain nang hindi dumadaan sa kaukulang proseso.
Ibinunyag ni Defensor na umabot sa P98 milyon ang nagastos ng komedyanteng aktor sa kuwestiyonableng pagbili ng softdirnks at pagkain noong 2009. Nauna rito, umabot sa P83 milyon ang nagastos ng kanyang tanggapan noong 2008 at P33 milyon naman noong 2007 para rin sa inumin at pagkain.
‘Kung susuriin natin, halos one-third ng pondo ng Office of the Vice Mayor ay nagamit sa pagbili lamang ng softdrinks at pagkain. You just don’t use that portion of the fund to buy softdrinks. You must prioritize your program para sa ating mga kababayan,” ani Defensor.
Sa mga nabanggit na transaksiyon, sinabi ni Defensor na walang naganap na bidding at may sertipikasyon pa na walang nakitang pagkain at inumin sa inspeksiyon kung kaya’t lalong naging kuwesityunable ito.
At dahil hindi masagot ng dating komedyante ang isyu, agad nitong binansagan ang usapin bilang isang black propaganda at political harassment.
Pero ayon kay Defensor, ang mga reklamo kay Bautista ay ‘statement of facts’ dahil ang mga ito ay suportado ng mga dokumento na galing mismo sa City Hall.
“We have documents given by city hall officials and even councilors that will prove that the complaints against the Vice-Mayor are true. So these are not black propaganda. These are statements of facts,” paliwanag ni Defensor.
Samantala, maging si Cong. Mary Ann Susano ay umamin din sa panayam sa telebisyon na may hawak din siyang kopya ng mga kuwestiyunableng dokumento bago pa nakakuha si Defensor.
Pinoy Parazzi News Service