POSIBLENG MAKULONG SI Quezon City Vice-Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista matapos itong kasuhan ng pagnanakaw ng kanyang matalik na kaibigan at kababata sa showbusiness.
Sa reklamong inihain ni Carlos De Leon sa Prosecutor’s Office ng Quezon City, inireklamo nito na ninakaw ni Bautista ang kanyang kagamitan sa pag-iimprenta na nagkakahalaga ng P1.2 million.
Base sa kanyang reklamo, naganap ang krimen noong isang taon nang kunin ni Hero Bautista ang kanyang isang FY 8180 III Infiniti Printer sa loob ng kanyang printing shop sa Bahay Toro, Quezon City na lingid sa kanyang kaalaman.
Hinarap ni De Leon ang nakababatang kapatid ni Bautista nang malaman niya ang pagkawala ng kanyang mahal na equipment at tinanong kung bakit niya ito kinuha.
Ngunit matapang namang sinabi ni Hero na iyon ay pag-uutos umano ng vice-mayor at magdemanda na lang umano si De Leon kung nais nito.
Napag-alaman na bilang kaibigan, hinayaan ni De Leon na si Hero ang humawak ng susi ng kanyang tanggapan dahil meron din itong negosyo sa gusali, ang Tri-Toma Billiards and Bar, kung saan matatagpuan ang printing shop ng complainant.
“Hindi ko akalain na magagawa sa akin iyon ng magkapatid kasi malalim ang aming pinagsamahan,” sabi ni De Leon na dating kasama ng matandang Bautista sa TV show na Kaluskos Musmos.
Bilang kaibigan ng vice-mayor mula pagkabata, marami rin umanong alam si De Leon ukol sa magkapatid na Bautista na hindi alam ng madla, dahil ang mga ito ay mga maituturing na mga malalim na sikreto ng pamilya Bautista.
Kinumpirma naman ng mga empleyado ng CHAM Advertising na sina Jonnie Beleson, 29, assistant printing machine operator; Rainer Lee San Diego, 24, graphic artist; Edward Sarenas, 19, graphic artist; at Eleanor Aquino, 42, sekretarya, ang nangyaring sabwatan at pagnanakaw ng magkapatid.