KAPAG MAPAGAWI kayo sa South Luzon Expressway, mapapansin n’yo na ang left inner most lane ay pang mga pribadong sasakyan lamang. Mayroong mga nakapaskil pa ngang mga paalaala kada isang kilometro na “bawal ang truck at bus dito!” Ganoon pa man ay kapansin-pansin pa rin ang mga pampasaherong bus na pumapasok sa lane na iyon at walang sumisita.
Matigas na ulo, hindi pagsunod sa regulasyon at barumbadong pagmamaneho sa kalsada ang pag-uusapan natin sa artikulong ito. Tingnan natin sa mas malawak na perspektibo ang problemang ito.
Sa huling disgrasya sa kalsada kung saan mahigit sa 21 ang namatay, sino ba ang dapat managot?
Ang mga barumbado at kaskaserong mga driver natin ay normal na kung ituring ng mga dayuhan at balikbayan sa Pilipinas. Minsan na itong nabanggit sa librong isinulat ni Dan Brown, isang sikat na nobelista. Sinabi niya na napaka-mapanganib manirahan sa Maynila at isa sa mga dahilan ay ang pagiging kaskasero ng mga driver na Pinoy.
TOTOO NAMANG maraming kaskasero at hindi sumusunod sa batas trapiko dito sa Pilipinas. Bakit? Dahil nakalulusot sila sa mga kurakot na traffic enforcers, nababayarang mga ahensiyang nagpapalakad sa transportasyon at mahina ang implementasyon ng batas.
Katunayan ay napakadali ngang kumuha ng lisensya sa pagmamaneho rito sa Pilipinas. Kahit na siguro ang isang alagang aso ay kayang kunan ng driver’s license sa LTO ng isang fixer.
Ang pinupunto ko lang dito ay maraming mga nagmamaneho sa ating mga lansangan ngayon na nabigyan ng lisensya ng LTO na hindi man lang marunong magsulat o magbasa. Paano kaya sila nakapasa sa written exam? At dahil hindi rin marunong magbasa, siguradong hindi nila naiintindihan ang mga nakapaskil na mga traffic sign at mga babala o anunsyo sa mga kalye.
Sa madali’t sabi, ang problema sa mga aksidente ay nag-uugat sa pamahalaan. Sa ibang mauunlad na bansa gaya ng Amerika, napakahirap kumuha ng driver’s license. Bukod sa pahirapan pang makakuha ng lisensya, kapag ang isang driver ay nagkamit ng moving violation sa itinakdang bilang sa loob ng isang taon, kinakansela na ang kanyang driver’s license.
Hindi tulad dito sa Pilipinas na one-to-sawa sa pagkamit ng mga traffic violation ang isang pasaway na driver basta’t may pangtubos lang siya ng kanyang lisensya.
Ilang taon na ang nakararaan, may pumuntang bus driver sa Wanted Sa Radyo at humihingi ng tulong dahil nahihirapan daw siyang makapag-renew ng kanyang lisensya. Laking gulat ko nang ipagmalaki pa niya na may hawak siyang 32 na traffic violation receipts na pawang mga moving violation tulad ng swerving, beating the red light, overspeeding, atbp. Muntik ko nang matadyakan ang kolokoy na iyon.
ANG DON Mariano Transit Corp. ay kilala sa pagkakasangkot sa mga aksidenteng gawa ng mga driver nilang walang disiplina. Ang aksidenteng pumatay sa 21 katao ay isang halimbawa lang ng kapabayaan ng Don Mariano at ng LTO, maging ng LTFRB.
Sa panig ng Don Mariano, sadyang hindi sila mahigpit sa pagkuha ng mga driver at hindi pagme-maintain ng kanilang mga bus. Marami sa mga driver nila ay mga kaskasero dahil kargado sa droga. At kaya nagdodroga ang mga ito ay para makayanan ang walang pahingang 24 oras na pagmamaneho.
Idagdag mo pa rito ang mga kalbong gulong at kalbong mga break pads ng mga bus na minamaneho nila. ‘Pag pinagsama-sama ang mga ito, nakatitiyak na ang kanilang mga pasahero na sila’y makalalasap ng biyaheng impyerno.
Sa panig naman ng LTO, paano nga ba nabigyan ng lisensya ang mga driver ng Don Mariano at papaano nakakapasa ang mga ito sa drug testing sa pagkuha at pag-renew nila ng kanilang mga lisensya?
Pagdating naman sa LTFRB, bakit nakalulusot sa kanila ang mga kakarag-karag na mga bus ng Don Mariano na puwede na nga sigurong bansagang mga “rolling coffin”? At bakit sa paulit-ulit na pagkakasangkot ng mga bus nito sa mga malalagim na disgrasya ay pinapayagan pa rin itong mag-operate?
Shooting Range
Raffy Tulfo