MARAMING KABABAYAN natin ang kinakabahan at nag-aalala tungkol sa mga pinakahuling kaganapan sa Gitnang Silangan. Isa na rito ang crackdown o pagpapa-deport sa mga illegal o undocumented workers sa Saudi Arabia. Nagsimula na ito at libu-libong mga OFW na ang apektado. Sa mga darating na buwan, inaasahang ilampung libo pa ang tatamaan ang paghihigpit ng Saudi sa mga dayuhang contract workers.
Hindi na rin puwedeng makasabwat ng mga illegal na OFW ang mga employer. Kamakailan lang ay nagbaba ng patakaran ang pamahalaang Saudi na mananagot ang mga employer at ahensya sa gastusin sa pagpapa-deport sa mga illegal. Ang sinumang lalabag ay papatawan ng mabigat na parusa. Sa gayon, wala nang kakampi ang mga OFW kundi ang pamahalaang Pilipino. Napapanahon, kung gayon, na paghandaan ito ng POEA, OWWA, DFA at iba pang ahensya ng pamahalaan para masalo ang mga OFW na tatamaan ng kahigpitan.
Panahon na rin na tayo ay mag-isip-isip. Isa na namang pangyayari ito na tayo ay nagre-react o tumutugon lamang sa mga pangyayari. Lagi tayong nahuhuli sa mga pangyayari at kadalasan pa nga’y nagugulat tayo sa mga sumusulpot na isyu. Sana ay magsilbi itong panggising o wake up call sa atin para balik-aralan natin ang ating mga patakaran, lalo na sa larangan ng suliraning panlabas.
Batay sa mga naging kaganapan sa Yemen, Egypt, Syria, Bahrain at iba pang bansa, malinaw na mismong ang bansang ito na inaasahan natin para sa employment ng mga OFW ay dumaranas din ng krisis pangkabuhayan. Marami rin sa kanilang mga kababayan ang walang trabaho.Kung kaya’t nagkakaroon din ng kaguluhan at protesta. Dahil dito, gumagawa sila ngayon ng mga hakbang para unahin ang kanilang mga kababayan para sa mga trabaho. Tsaka na lang ang mga dayuhan tulad ng OFW. Ganito ang ginagawa ngayon ng pamahalaang Saudi.
Kaya’t hindi tayo dapat magkaroon ng ilusyon na panghabang panahon ang biyaya mula sa ibang bansa. Sila ri’y humaharap sa krisis. Mahalagang matalos ito ng mga OFW, lalo na ng kanilang mga pamilya rito na nagpapalagay na patuloy ang pagdaloy ng grasya mula sa abroad. Mas mahalaga pa rin ang pag-asa natin sa ating sarili, lalo na ang pagpapaunlad ng ating ekonomiya. Kailangang matulad tayo sa isang matibay na bahay na gaano man kalakas ang hangin o saan man galing ang hampas ng bagyo, mananatili itong nakatayo.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo