HUHUSGAHAN NA sa Linggo (Mayo 6) ang kandidatura ng mga taong nagpahayag ng intensyon na manilbihan bilang mga opisyal ng National Press Club.
Nagkataon, parekoy, na isa tayo sa kumakandidatong Director sa NPC. Lakas-loob ang nagtulak, hehehe, dahil sa totoo lang, kung pag-uusapan sa mga miyembro ng National Press Club ay kakaunti pa lang ang naiipon nating kakilala at kaibigan.
At kung kredibilidad naman ang pag-uusapan… sa pagkakaalam natin, parekoy, hindi tayo ang makapagsasabi na tayo ay credible. Otherwise, nagbibitbit tayo ng ating sariling salumpuwit! Hehehe!
At dahil nga kaunti pa lamang ang ating kaibigan o kakilala sa National Press Club, halos alam na, parekoy, kung saan tayo pupulutin sa Linggo. Hu, hu, hu!
Isang bagay lang, parekoy, ang bitbit natin sa ating pagtakbo bilang Director ng NPC. Ito ay ang ating marubdob na hangaring maisulong ang tatlong bagay na nais kong makita sa PANGARAP KONG NATIONAL PRESS CLUB.
Gawing miyembro ng Philhealth ang lahat ng kasapi ng NPC, bigyan ng “recall power” ang 10% ng General Membership ng NPC laban sa mga abusadong opisyal ng NPC at magkaroon ng Regional Offices ang 17 rehiyon sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng maayos na pagkasalansan ng mga resolusyong ipapasa sa Board, mangyayari ang mga ito parekoy.
1) PHILHEALTH MEMBERSHIP – Kadalasan, tayong maliliit na media practitioner ay nababaon sa “utang na loob” sa ilang pulitiko dahil nang magkasakit ang ating mahal sa buhay ay si pulitiko ang ating nahingian ng tulong.
Kaipokrituhang sabihin na hindi natin hihilingin o tatanggapin ang kanilang tulong sa napakalaking gastusin sa pagpapagamot kontra sa kapiranggot na kinikita natin.
Kaya naman ang pagkakaroon ng Philhealth ng bawat kasapi ng National Press Club ay isang patunay: a) Na gumagawa ng hakbang ang pamunuan ng NPC upang maitaas ang antas ng “moral” ng bawat kasapi higit yaong maliliit, upang sila’y hindi na maninikluhod sa mga pulitiko sa panahong may sakit ang kanilang mahal sa buhay; b) Na mapatunayan ng pamunuan ng National Press Club sa bawat kasapi nito na sila at ang kani-kanilang pamilya ay mahalaga o pinahahalagahan ng NPC; c) Na mali ang hinala ng ilang kasapi na sila ay nagagamit lamang na instrumento upang maipangalandakan na ang NPC ay isang organisasyong may malawak na kapisanan ng mga mamamahayag, ngunit sa mga kaganapan, ito ay naga-gamit lamang para sa pansariling kapakinabangan ng iilan!
ATING tandaan, na kung malusog, masaya, kuntento at PROUD ang bawat miyembro nito, ang PANGARAP KONG NATIONAL PRESS CLUB ay higit na magiging MATATAG at maipagmamalaki ng bawat MAMAMAHAYAG!!!
2) RECALL POWER – Bagama’t maikli ang dalawang taon para sa mga opisyal ng NPC na may dedikasyon sa pagtatrabaho o serbisyo, gayunman, napakahaba naman ng dalawang taon para sa ilang opisyal na matapos maihalal sa puwesto ay hindi na nga kinakitaan ng trabaho… nagmalabis pa sa kanilang tungkulin.
Kaya naman sa pamamagitan ng “recall power” ng kahit 10% ng General Membership ay maiibsan, kundi man masugpo, ang pagmamalabis at higit sa lahat ay mawalan ng ganang tumakbo ang sinumang kasapi na ang hangad ay pansariling kapakanan lang!
3) REGIONAL OFFICES – Bakit napakaraming mamamahayag sa mga lalawigan lalo na yaong nasa probinsyang malalayo sa Metro Manila ang pinapatay, pinagtatangkaan, hina-harass at niyuyurakan ang mga karapatan lalo na sa larangan ng malayang pamamahayag?
Ayon sa aking personal na karanasan na naging passes ko para sa limang taon na pangungulungan sa “bilibid” dahil sa mga kasong libel, sa napakaraming panggigipit na minsan ay humantong pa sa aktuwal na ambush sa akin, isa lang ang maituturing kong pangunahing dahilan… ang kawalan ng Regional Offices ng NPC!
Naniniwala ang maraming gagong pulitiko sa mga lalawigan na ang mga mamamahayag sa kanilang lugar ay “buntot mo hila mo”. Naniniwala sila na ang media practitioner sa lalawigan ay malabong makakuha ng atensyon o ayuda mula sa National Press Club, kaya inaasahan nila na ang katarantaduhang gagawin laban sa mamamahayag ay mananatiling isyu na lamang sa apat na sulok ng kanilang pinaghahariang lugar.
Pero kung malaman nila na may Regional Offices ang PANGARAP KONG NATIONAL PRESS CLUB na malapit lang sa kanilang lugar, na sa tuwina ay nakahanda o mabilis na kikilos upang makakuha ng national attention ang kanilang katarantaduhan laban sa media practitioner/s, ang bawat mamamahayag sa malalayong lalawigan ay tiyak na mabibigyan ng seguridad at bilang resulta, ay higit silang magiging epektibong “watchdogs” ng ating lipunan!!!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303