Blacklisted sa Saudi, Pinaalis Pa Rin

Dear Atty. Acosta,

NAG-APPLY AKO ng trabaho sa isang agency para sa Saudi Arabia. Bago po nila tanggapin ang aking aplikasyon ay binanggit ko na sa kanila na nagkaroon ako ng problema sa Saudi Arabia kaugnay ng dati kong pinagtrabahuhang kumpanya. Ang sabi nila ay hindi raw iyon magiging sagabal sa aking pagnanais na makabalik doon dahil maayos naman akong nakauwi ng Pilipinas.

Subalit, pagkarating ko sa paliparan ng Saudi Arabia ay hinarang ako sa Immigration sapagkat ako raw ay kabilang sa mga blacklisted na tao. Pag-uwi ko ng Pilipinas ay agad akong nakipag-ugnayan sa aking agency at ipinaliwanag ko ang nangyari. Hiningi nila sa akin ang aking pasaporte upang makansela raw nila ang aking visa. Ngunit matapos kong ibigay ito ay ayaw na nilang ibalik ang aking pasaporte.

Tinatakot nila ako na kailangan ko raw bayaran ang halagang katumbas ng isang buwan kong sahod base sa aming kontrata bilang kabayaran sa mga nagastos nila.

Maaari po ba nila itong gawin? Sana ay mapaliwanagan ninyo ako.

Alberto

 

Dear Alberto,

IKINALULUNGKOT NAMIN ang nangyaring problema sa iyo sa bansang Saudi Arabia. Subalit kinikilala rin namin ang karapatan ng Immigration ng nasabing bansa na huwag tulutang papasukin ang sinumang mayroong hinaharap na reklamo sa kanilang bansa kasama na rin ang mga taong blacklisted. Sa aspetong ito ay wala ka nang magagawa maliban na lamang sa ayusin ang naging problema mo sa bansang ito upang malinis din ang iyong pangalan at mapayagan na muling makapasok ng nasabing bansa.

Sa aspeto naman ng pagwi-withhold at hindi pagbalik sa iyo ng iyong pasaporte ng mga opsiyal ng nabanggit mong agency, maaari silang magkaroon ng kriminal na responsibilidad. Hindi nila maaaring ipitin ang iyong pasaporte upang pagbayarin ka ng halagang kanilang hinihingi.

Kung totoo naman na mayroon kayong naging kasunduan at nasasaad dito na kailangan mong bayaran ang halagang katumbas ng isang buwan mong sasahurin sa bansang Saudi Arabia, maaari nila itong igiit ngunit sa tama at legal na paraan. Maaari silang magsampa ng kasong sibil para sa collection of sum of money base sa inyong naging kontrata. Kung makita ng hukuman na sadyang obligado ka na bayaran ang halagang napagkasunduan ninyo, ito ay ipag-uutos at mahalagang ikaw ay tumalima sa nasabing kautusan.

Subalit katulad ng aming nauna nang nabanggit, hindi nila maaaring hindi ibalik sa iyo ang iyong pasaporte batay lamang sa hindi mo pagbabayad ng kanilang nagastos sa paghanap ng trabaho sa ibang bansa. Ito ay maaaring ikonsiderang grave coercion na mayroong kaakibat na kaparusahan.

Ayon sa Artikulo 286 ng ating Revised Penal Code, maaaring maparusahan ang isang tao na pipigil sa kanyang kapwa na gawin ang isang bagay na hindi ipinagbabawal ng batas, o pipilitin na gawin ang bagay na labag sa kanyang kalooban, kung ito ay gagawin niya sa pamamagitan ng karahasan, pananakot o intimidasyon. Maaaring makulong ang taong napatunayang lumabag sa nabanggit na batas at maaari rin siyang pagbayarin ng halagang hindi hihigit sa anim na libong piso.

Kung sakaling ipipilit pa rin ng ahensya na pagbayarin ka ng nasabing halaga sa pamamagitan ng pananakot sa iyo, maaari kang maghain ng reklamo upang maipaglaban mo ang iyong karapatan.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articlePinoy Parazzi Vol 6 Issue 56 April 26 – 28, 2013
Next article“Garlic Mafia” sa BPI?

No posts to display