NU’NG KASAGSAGAN ng Frankenstorm Sandy sa New York, ipinakita ng CNN ang footages ng mga evacuation centers. Kumpleto ng kagamitan, pagkain, gamot, palikuran at iba pang amenities sa evacuees. Ipinakita rin ang areas na pinaglagakan ng alagang pets ng evacuees. Kumpleto rin sa pangangailangan ng mga hayop.
Naisip ko tuloy na hayop ang kultura ni Kano! ‘Di mapaparisan ang kanilang pagmamahal at pag-aaruga sa alagang hayop. Dapat lang.
Sa Lumang Testamento, nabasa natin na bago mag-delubyo, pinasakay ni Noah sa kanyang arko ang lahat ng uri ng hayop na pinili ng Diyos. Sa buong mundo, milyun-milyong uri ng hayop – at halaman – ang nilikha ng Diyos. Maiisip ba ninyo ang isang mundo na walang hayop at halaman?
Sa U.S. at ibang advanced countries, hanep ang pag-aaruga sa mga pet. May malalaking veterinary hospitals, may sariling sementeryo at grabe ang pagpapatupad sa batas laban sa pagmamalabis sa hayop. Sa ating bansa, maipagmamalaki rin natin ito.
Sa aking bahay, ‘di ako nawawalan ng inaa-lagaang hayop. May isa akong asong Labrador – Sofie – at mahigit na 3 dosenang love birds sa aking aviary. Sila ang libangan ko tuwing umaga. Si Sofie ay aking ipinapasyal sa park; mga love birds ay pinatutuka.
Ang lumang bahay ko sa Alabang ay isang mistulang mini-zoo. May alaga akong kalapati, love birds, kalaw, maya at isda sa aquarium. Dalawa ang dating aso ko, parehong askal. Namana ko ang hilig sa mga hayop sa aking lola at lolo sa magkabilang panig.
Mabalik tayo sa New York. Pagkaraan ng 3 araw, unti-unti nang nabuhay at sumigla ang “Big Apple”. Nagbalikan na sa bahay ang evacuees kasama ang kanilang nagtatalunang pets.
Mensahe sa buhay: Pagkatapos ng unos, liwanag. Magpakatatag. Manalig sa Diyos. Magmahal sa kapwa. And bless the beasts and the children.
SAMUT-SAMOT
NAKABABALISA NA ‘di binibigyan ng pamahalaan ng prayoridad ang problema ng climate change. Tanging si Sen. Loren Legarda ang nag-iisang boses sa problema. Pagbibiyahe at iba pang kabalbalan ang inaasikaso ni P-Noy. Wala pa ring direksyon. Dahil sa Hurricane Sandy, nagising ang U.S. sa epekto ng climate change. Tayo’y walang pakialam.
ANG JUETENG ay namamayagpag hanggang ngayon. ‘Di pinakikinggan ang paulit-ulit na babala ni DILG Sec. Mar Roxas. Pagkatapos ng pulong niya sa mga suspected Jueteng lords sa Pampanga, wala na tayong narinig muli sa kanya. Ganyan lang iyon. The usual ningas-cogon. Bakit ‘di pa i-legalize ang Jueteng para matapos na ang problema? If you can’t lick ‘em, join ‘em!
TUNAY NA nakahihiya sa turista ang NAIA. Pinakamagulo at pinakamababoy na airport ‘ata sa buong mundo. Daig pa ang palengke. Nagkalat ang mangbabakal na airport personnel. At paglabas mo, ‘di ka pa rin ligtas sa masamang elemento. Kaawa-awa si DOT Sec. Ramon Jimenez. Kahit anong pagod niya, ‘di nagbubunga ng maganda sa tourism dahil sa maraming bagay na ‘di naman niya kagagawan.
TAMA ANG paglalagay kay Rene Almendras bilang Cabinet Secretary. Napakabagal kumilos si Exec. Sec. Jojo Ochoa kaya daming nabinbin na project papers sa Palasyo. Maaaring si Almendras ang makatutulong sa fast paper flow. ‘Di kayang lahat ni Ochoa ang ga-bundok na gawain. ‘Wag sana silang magkaselosan.
SA ENERO, ‘di na mahahagilap ang mga pulitiko. Kanya-kanya nang larga sa pagkakampanya. Madugo ang local election. Kaya dapat dis-armahan ang private armies at paigtingin ang peace and order efforts ng PNP. Ngayon pa lang, may pailan-ilan nang dugo ang dumadanak dahil sa pulitika. Usual hotspots are Ilocos Sur, Abra, Cavite at Batangas. Dapat maging aktibo ang concerned citizens group sa pagtulong sa ikapapayapa ng halalan.
KAHIT SA U.S. ang problema pa ring sinisiguro ay trabaho, trabaho. Mahigit na 20 milyon ang walang trabaho at umaasa lamang sa tulong ng pamahalaan. Bakit nagkaganito? ‘Di ba U.S. ang pinakamayamang bansa sa balat ng lupa? Kung ang U.S. ay naghihirap, ano pa kaya tayo? Sa atin, puro dada ang Pangulo pagkatapos magbiyahe. Malabo ‘yung pledged investments para makapag-generate ng enough jobs. Pirmahan lang ‘yan. Kung walang follow-up, tapos na.
SENYAS NG severe deterioration ng peace at order ang desisyon ng simbahan na maglagay ng CCTV. Mga simbahan ay ‘di na rin ligtas sa nakawan. Mga kriminal, wala nang bagay na iginagalang. Mga awtoridad, walang ginagawa kundi magturuan. Mahina ang liderato ng PNP. Pinaka-inefficient yatang naging PNP chief ay si Nick Bartolome. Walang solid accomplishments kundi magpa-cute sa TV.
NAKAAPEKTO NANG malubha ang storm Sandy sa U.S. election sa New York, Manhattan, Virgi-nia at iba pang dinaanan ng bagyo. Maraming ‘di nakaboto dahil sa power outage. Isang milyon halos ang pila pero marami ang nagtiyaga. May balitang isa uling superstorm ang hahambalos sa U.S. East Coast. Sana naman ‘wag maging devastating ito kagaya nu’ng una. ‘Di pa nakakabangon ang maraming mamamayan.
SA HOLIDAY season, isa ang sunog dahil sa nakaligtaang pagpatay ng Christmas lights. Nangyari ang lagim na ito nu’ng 2005 sa bahay ni former Speaker Joe de Venecia sa Dasmariñas Village, Makati City. Isang anak niya ang namatay. Mag-ingat tayo. May kasabihang buti pa ang sampung beses kang mapagnakawan kaysa minsan masunugan.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez